81. Si Don Diego'y inatasang

hanapin ang naparawal,

ang Prinsipe'y di sumuway

at noon di'y nagpaalam.

 

82. Baon sa puso at dibdib

ay makita ang kapatid,

magsama sa madlang sakit

sa ngalan ng amang ibig.

 

83. Hanapin ang kagamutang

siyang lunas ng magulang,

kahit na pamuhunanan

ng kanilang mga buhay.

 

84. Parang, gubat, bundok, ilog

tinahak nang walang takot,

tinutunton ang bulaos

ng Tabor na maalindog.

 

85. Sa lakad na walang humpay

nang may mga limang buwan

ang kabayong sinasakyan

ay nahapo at namatay.

 

86. Sa gayon ay kinipkip na

ang lahat ng baon niya,

kabunduka'y sinalunga't

nilakad na lang ng paa.

 

87. Salungahing matatarik

inaakyat niyang pilit

ang landas man ay matinik

inaari ring malinis.

 

88. Hindi niya nalalamang

siya pala'y nakadatal

sa Tabor na sadyang pakay,

rikit ay di ano lamang!

 

89. Noon niya napagmalas

ang puno ng Piedras Platas,

daho't sanga'y kumikintab

ginto pati mga ugat.

 

90. Biglang napagbulay-bulay

ni Don Diegong namamaang,

punong yaong pagkainam

baka sa Adarnang bahay.

 

91. Sa tabi ng punong ito

may napunang isang bato,

Sa kristal nakikitalo't

sa mata ay tumutukso.


92. Muli niyang pinagmalas

ang puno ng Piedras Platas

ang lahat ay gintong wagas

anaki'y may piedrerias.

 

93. Sa kanyang pagkaigaya

sa kahoy na anong ganda,

inabot nang ikalima't

madlang ibo'y nagdaan na.

 

94. Sa gayong daming nagdaang

mga ibong kawan-kawan,

walang dumapong isa man

sa kahoy na kumikinang.

 

95. Kaya ba't ang kanyang wika

"Ano bang laking hiwaga,

punong ganda'y di sapala!

di makaakit sa madla!"