340. Sa palasyo nang sumapit tuwa ng ina'y tigid,
sindak namang di malirip
ang sa dalawang kapatid.
341.Lumuhod sa nakaratay
upang humalik ng kamay;
ang hari sa kalubhaan
bunso'y hindi namukhaan.
342. Magkagayo'y ang Adarna
namayapag na sa hawla,
balahibong pangit niya'y
hinalinhan ng maganda.
343. Umawit ng matamis,
kawili-wili ang tinig,
mga matang may pag-ibig
sa monarka nakatitig.
344. Bawat isang pangungusap
anong linaw at liwanag,
kaya sa tanong kaharap
daming bagay ay nabunyag.
345. "Aba, Haring Don Fernando,
Monarka ng buong reyno,
si Don Juan pong bunso mo
kaharap na't naririto.
346. "Ang iyo pong bunsong anak
nagtiis ng madlang hirap,
kamatayan ay hinamak,
sa utos mo ay tumupad.
347. "Yaong anak mong dalawa
inutusang nanguna,
kabiguan ang nakuha't
kapwa naging bato pa sila.
348. Ibo'y muling namayapag
nagbihis ng bagong kiyas,
higit sa una ang dilag,
kanta'y lalong pinatimyas.
349. "Sa kasawiang tinamo
ni Don Pedro't ni Don Diego
kung hindi po sa bunso mo
habang araw sila'y bato.
350. "Sila nga'y binusan lamang
ng tubig na merong lalang,
nang mabasá'y nanga buhay
at sa bato'y nagsilitaw.
351. "Ang adarna'y nagbago
nitong kanyang balahibo;
ang binihis na pangatlo
ay may kulay esmaltado.
352."Ang nagturo nitong tubig
ay ermitanyong mabait,
nahabag sa kahihibik
ng bunso mong iniibig.
353. "Sinalok sa isang ilog
sa libis ng isang bundok,
sa linaw ay parang bubog,
mabisa ang dalang gamot.
354."Silang tatlo ay piniging
ng ermitanyong butihin,
kasayaha'y walang maliw
habang sila'y kumakain.
355. Ang Adarna ay nagbihis
ng pang-apat na kilatis,
sa kislap na umaakit
ay d'yamenteng pagkarikit.
356. "Kasayahan nang matapos
ermitanyo ay pumasok
sa silid na maalindog
at kumuha po ng gamot.
357. "Hari, iyo pong alamin
si Don Jua'y nagtiid dinig,
palad niya ay hiwain
nang gabing ako'y kunin.
358."Pitong malalim na sugat
na pinigan pa ng dayap,
nang humapdi, o kay-antak
lama'y parang nginangatngat!
359. "Dusang ito ay tiniis
nang dahil sa kanyang nais
na ang taglay mo pong sakit
ay huwag pang pagka lawig."
360.Nanahimik ang adarna
nagbihis ng ikalimang
balahibong tinumbaga
at ang sabi sa Monarka:
361."Nang pauwi silang tatlo
dito po sa iyong reyno,
nagbilin ang ermitanyong
huwag nawang may maglilo.
362. Masasaya sa lakaran
kung may sukat ikalumbay,
ito ay kainipan sa
haba ng nilalakbay.
363. "Patuloy ang saya nila
ngunit noong sumapit na
sa bundok na pangalawa'y
nagbago ang pagsasama.
364."Sa apoy ng kainggit
nitong anak mong panganay,
Ang bukò ng kataksilan
na patayin si Don Juan.
365. "Dahilan po nito'y ako,
nahihiya si Don Pedrong
mabalitang naging bato
kabiguan ay natamo.
366."Salamat ag nasalansa
ni Don Diego yaong nasa
at kung hindi ang kawawang
bunso mo po ay nawala.
367. "Nasalansa ang pagpatay
ngunit sila'y nagbulungan
nang malayo'y may kindatang
babala ng kasawian."