531. “Ngayon, ang aking panganib

Saan kita ililingid

Nang maligtas pasakit

Ng Higanteng sakdal-lupit?”

 

532. “Higanteng ito’y siya ngang

Sa akin ay may alaga,

Katapanga’y di kawasa,

Taong datna’y sinisila.”

 

533. “Kung datnan kang kaniig ko

Galit niya ay susubo,

Manganganib ang buhay mo’t

baka ikaw ay matalo,”

 

534. “Prinsesa kong minamahal,

Ang matakot ay di bagay,

Manghawak sa kapalara’t

Sa Diyos na kalooban.”

 

535. Di naglipat ilang saglit

Ng masayang pagniniig

Ang higante ay narinig

Sa hagdana’y pumapanhik.

 

536. Tinawag si Donya Juana

Nagniningas yaong mata …

“Amoy manusya,” anya

“dito’y may tao bang iba!”

 

537. Prinsesa’y di nakasagot,

Kinilabutan sa takot ,

Higante sa kanyang poot

Sumisigaw, parang kulog!

 

538. At ngumiti nang pakutya,

Humalakhak pa sa tuwa:

“Di laki ko ngayong tuwa’t

Dito’y mayro’ ng masisila!

 

539. “Di na pala kailangang

Mamundok pa o mamarang

Dito man sa aking bahay

Ay lumipat na ang pindang.”

 

540. “Salamat nga’t narito na

Sa tiyan kong parang kweba

Ang kaytagal  ko nang pita

Ang tatlo man ay kulang pa.”

 

541. Sa mga kutyang nariring

Si Don Juan ay nagngalit:

“Higante, ‘tikom angbibig’,

Ako’y  di mo matitiris.”

 

542. ”Kung ikaw man ay kilabot

Sa pook mong nasasakop

Sayang iring pamumundok

Pag di kita nailugmok.”

 

543. “At matapang? May lakas pang

Tumawad sa aking kaya?

A, pangahas! Ha, ha, ha, ha,

Ngayon mo makikilala.”

 

544. “Nang sa inyo ba’y umalis

Nangakong ka pang babalik?

Nasayang ang panaginip,

Dito kita ililigpit.”

 

545. “Ayokong ng angay-angay

Lumaban ka kung lalaban!

Kung hangad mo yaring buhay

Hangad kong ikaw’y mapatay

 

546. Nagpamook ang dalawa

Nagpaspasang parang sigwa

Sa pingkian ng sandata

Ang apoy ay bumubuga!

 

547. Sa mabuting kapalara’t

Sa Diyos na kalooban,

Ang Higante  ay napatay

Ng Prinsipeng si Don Juan.

 

548. Nang patay  na at sa lupa

Ang Higante ay bulagta,

Sa kaganap ganap na natuwa

Si Donya Juanang mutya.

 

549. Wala na ang kanyang takot,

Sa galak at pagkalugod,

Inaliw ang kanyang irog

Na nanghina rin sa pagod.