504. Samantala, si Don Juan
sa sindak ay lumalaban
pinipilit magkailaw
ang mata sa kadiliman.
505. Habang siya’y lumulubog
lalong ayaw na matakot
matibay ang kaniyang loob
na ang lihim ay matalos.
506. Sa sarili’y nagwikang:
“Ano’t akin pang ninasa
na tuklasin ang hiwaga
kung hindi rin magagawa?”
507. “Anuman ang kasapitan
ito’y di ko uurungan,
ang malaking kabiguan
ay bunga ng karawagan.”
508. “Nasimulan nang gawain
ang marapat ay tapusin,
sa gawang pabimbin-bimbin
wala tayong mararating.”
509. At sa kaniyang pagsasakit
lalim ng balo’y nasapit
hindi isang tuyong yungib
kundi poook na marikit !
510. Buong lupang yayapakan
ay kristal na kumikinang!
Pook na taga araw,
ngunit daig ang may ilaw.
511. Mahalama’t mabulaklak
bango’y humahalimuyak!
May palasyong kumikislap
Na yari sa ginto’t pilak!
512. Ang Prinsipe, sa paghanga’y
Parang namamalikata…
At ang sabi: - “O, hiwaga…
ito’y sa engkantong gawa!”
513. Lalo siyang nanggilalas
at ang puso ay nabihag
nang tamaan na ng malas
si Donya Juanang marilag.
514. Sumisikat na biuin
sa bughaw na panginoorin,
nakangiti at magiliw
sa pagsasabog ng ningning!
515.”O, marilag na Prinsesa,
ang sa araw na ligaya’t
kabanguhan ng sampaga
sa yapak mo’y sumasamba.”
516. “Sa matamis na bati mo’y
nagagalak ang puso ko,
ngunit manghang-mangha ako,
sa iyong pagkaparito!”
517. “Ako’y isang pusong aba
na kayakap ng dalita
inihatid ditong kusa
ng pagsinta kong dakila.”