758.Sa kanyang pagkagulaylay

ang Adarna ay dumatal,

ang Prinsipe’y natanawa’t

agad nakilala naman.

 

759.Pagdapo sa punongkahoy

namayagpag na ang ibon,

balahibong unang suson

hinunos na di nalaon.

 

760.Nang malabas yaong bago

na makislap na karbungko,

kay Don Juan ay tumungo’t

minulan ang awit ditto.

 

761.``O,Prinsipe ng Berbanya,

Katoto kong sinisinta,

Sa tulog mo’y gumising ka’t

ako ay may ibabadya.’’

 

762.Sa tinig na mataginting

Si Don Juan ay nagising,

tuwa,lugod,at paggiliw

sa Adarna nang mapansin.

 

763.Pinakinggan ang pagkantang

lalong kaaliwan nya,

sa sarili’y nasabi pang

``Tila ito’y langit ko na!’’

 

764.``Anong haba na nang araw

ang sa ati’y namagitan

mulang tayo’y maghiwalay

sa Berbanyang iyong bayan.’’

 

765.``Kung ako man ay umalis

di sa iyo’y hinanakit

manapa nga’y sa pag-ibig

maligtas ka sa pasakit.’’

 

766.``Salamat at hawla lamang

ang naisip nilang buksan,

ang talagang pinapakay

ikaw’t ako ay mapatay.’’

 

767.``Ngunit anhin paba natin

ang nagdaa’y sariwain,

ang marapat ngayong gawin,

ligaya mo ay hanapin.’’

 

768.``Limutin sa alaala

ang  giliw mong si Leonora

ditto ay may lalalo pa

sa karangalan at ganda.’’

 

769.``Malayo nga lamang ditto

Ang kinalalagyang reyno,

gayon pa man,Prinsipe ko,

pagpagurang lakbayin mo.’’

 

770.``Bayang kanyang tinitirhan

sa ganda ay hahangaan,

isang sadyang kaharian

sa dako ng silanganan.’’

 

771.``Sila ay tatlong magkakapatid

nag-aagawan sa dikit,

tatlong mutya ng pag-ibig

sa mundo’y walang kaparis.’’

 

772.``Sila ay anak ni Salermo,

Hari sa nasabing reyno,

kapwa hari’t maginoo’y

gumagalang na totoo.’’


773.``Sa tatlo’y iyong piliin

Si Maria Blancang butihin,

Ganda nito ay tantuin

daig ang talang maningning.’’

 

774.``Dalawang kapatid niya’y

si Isabel at si Juana,

una’y tala sa umaga’t

bituin ang pangalawa.’’

 

775.``Kaya hayo na,Don Juan,

Sa Reyno ng de los Cristal,

Iyong ipagkakarangal

Sa am among minamahal.’’

 

776.Awit ng Ibong Adarna

tinapos sa pagbabadyang;

``Don Juan,huwag mangamba

sa hirap man at mga dusa.’’