659.Nabihag ng kagandahan
ni leonorang matimtiman,
ang prinsesa kung titigan,
titig na ang kahulugan.
660.Kay Don Jua’y naiingit
Pagkat dto nakakapit,
Pagtatapon pa ng titig ,
Ay sa mukha ng kapatid.
661.Panibugho at ang imbot
Sa puso ay sumusunog,
Dibdib ay ibig pumutok
Sa sama ng kanyang loob.
662.Ang supling na kasamaan
Nakakita rin ng daan,
Pagkat nagulumihan
Kay Leonora si Don Juan.
663.Nang siya’y lalakad na ang
Papauwi sa Berbanya,
Saka na naalaalang
May naiwan ang prinsesa.
664.Sa pagmamadaling manaw
Sa balong pinanggalingan
Yaong lobong kaaliwan
Ang tangi niyang nataglay.
665.Nalimutan sa lamesa
Singsing na dyamante niya,
Siya pa namang mahalaga’t
Pamana ng kanyang ina.
666.”kung gayon,”ani Don Juan,
“kayo dito ay maghintay,
Balo’y aking babalika’t
Kukunin ko ang naiwan.”
667.”Giliw ko,”anang Prinsesa,
“ang singsing ko’y bayan na,
Ang pagparoon mong mag isa’y
Malaki kong alaala.”
668.”Huwag,Leonorang giliw,
Ang singsing mo’y dapat kunin
Kaya,dito ako’y hinti’t
Kita’y babalikan din.”
669.Si Don Jua’y nagtali na
Ng lubid sa baywang niya,
Napahugos sa dalawang
Kapatid niyang kasama.
670.Ngunit laking kataksilan
Ng kapatid na panganay,
Lubid niyang tangan-tangan
Ay pinatid kapagkuwan.
671.Nang patirin yaong lubid
Ay sasampung dilang lawit,
Kaya’t anong masasapit
Ng tinaksil na kapatid?
672.Di ang ito ay lumagpak
Sa lupa’t batong matigas,
Sakali mang di mautas
Mga buto’y linsad-linsad.
673.Nang Makita ni leaonorang
tinaksil ang kanyang sinta,
halos manaw ang hininga’t
sa balon ay tatalon na.
674.Ngunit agad nahawakan
ni Don Pedrong nakaabang,
si Leonora’y hinimatay
sa laki ng kalumbayan.
675.Noong magkamalay -tao’y
Hawak pa rin ni Don Pedro,
Sa baywang at bisig nito’y
Pag kahigpit ang sapupo.
676.Nagpipiglas ang prinsesa b
sa kamay ng palamara,
ngunit lalong hinigpit pa
ang yapos ng bisig niya.
677.Mga mata’y pinapungay,
Si Leonora’y dinaingan:
“Prinsesa kong minamahal,
Aanhin mo si Don Juan?”
678.”Ako nama’y nariritong
Umiibig din sa iyo,
Maging siya’t maging ako
Isang ang pag ka tao.”
679.”kapwa kami mayro’ng dangal
Prinsipe ng aming bayan,
Pagkat ako ang panganay
Sa akin ang kaharian.”
680.”Kaya ika’y gagawin ko
na reyna,sa aming reyno,
lahat doo’y utusan mong
sunod-sunuran sa iyo.”
681.”kay Don Jua’y ano kaya
ang ginhawang mapapala?
Ang mamatay sa pag luha
At mabubuhay na kawawa.”
682.”Kaya nga,Prinsesang mahal,
Pagsinta ko ay ayunan,
Pangako ko ngayon pa man
Reyna ka ng kaharian.”
683.Si Leonora’y walang kibo
Dugo niya’y kumukulo,
Lason sa dibdib at puso
Kay Don Pedrong panunuyo.
684.Ang nasok sa alaala
Nang ayaw bitiwan siya,
Yaong lobong engkantada
Sa balon ay pawalan na.
685.Lobo ay pinagbilinang:
“Ang Prinsipe kung nasaktan
Gamutin mong madalia’t
Siya’y aking hinihintay.”
686.”Sabihin mong di ko ibig
Dto ang aming pag-alis,
Kami lamang ay pinilit
Ng taksil niyang kapatid”.
687.Palibhasa si Don Jua’y
mutyang mutya sa magulang.
ang nangyaring kataksila’y
nabatid sa panagimpan.
688.Napaginipan ng Hari
Sa pag-idlip nang tanghali
na sa isang yungib wari
bunso niya’y itinali.
689.Nang gapos na ang katawan,
Ng lubid na pagkatibay,
Sinipa na’t tinadyakan
Sa muka pa ay tinampal.
690.Walang sala’t di salari’y
Ayaw namang patawarin,
Sa hukuman nang litisin,
Lagdang hatol ay patayin.
691.Saka biglang itinulak
Sa banging kagulat-gulat,
Sa ilalim nang lumagapak
Ang hininga ay nautas.
692.At siya nang pag kapukaw
Nitong Hari sa hihigan,
Ang puso at gunamgunam
Sapupa ng kalumbayan.
693.Gayunman ang panaginip
naaliw rin ang dibdib
sinisikap na maalis
ang sindak ng kanyang isip.
694.Natunton ang kalooban
Sa matandang kasabihang:
“madalas na magbulaan
Ang sa taong panagimpan.”
695.”Ano baga’t gagayunin
ang bunso kong ginigiliw,
ito nama’y di salarin
na marapat pagbayarin?”