1060. “Gayon pa ma’y tingnan natin

sa bago kong hihilingin

sa bigat njito marahil

buhay niya’y makikitil.”

 

1061. Ipinatawag si Don Juan

Prinsipe’y humarap naman,

ngunit kanyang iniiwasang

sa palasyo mag-ulayaw.

 

1062. Kaya nang pinaaakyat

tugon lamang ay,”Salamat ,

mag-utos ang Haring liyag

ako’y handa sa pagtupad.”

 

1063. Katugunan ng Prinsipe

sa Hari ay nakapipi,

pinaglimi nang maigi

ang paing minamabuti.

 

1064. Praskong ingat-ingat niya’y

madaling pinakuha,

sa palasyo’y nanaog na’t

kay Don Juan ay sumama.

 

1065. Pagdating sa isang pook

na lingid sa manunubok

praskong bitbit ay dinukot

sa lalagyang gintong pulos.

 

1066. Saka, anyang buong giliw;

“Praskong ito ay malasin,

ang nariya’y maiitim,

mga taong munsing-munsing.”

 

1067. “Labindalawang negrito

buhay namang mga tao,

ito’y mga alaga ko’t

minamahal na totoo.”

 

1068. “Sila’y aking pawawalan

sa laot ng karagatan,

isilid mong muli naman

sa prasko nilang tahanan.”

 

1069.”Sa iyo’y mahigpit kong bitin

utos na iyong tutupdin,

negrito ko ay mahaling

parang iyan ay iyo rin.”

 

1070. “Isa ma’y huwag magkulang

ang negritong pawawalan,

isa nitong mapalita’y

kapalit ay iyong buhay.”

 

1071. Pinawalan nan gang lahat

parang isdang pumupusag,

Haring Salermo’y naghayag

ng ganitong bagong antas;

 

1072. “Sa aking pag-aagahan

sa umaga’y kailangang

mga negrito ay datnan

sa hapag kong kinakainan.”

 

1073. Praskong hawak ng monarka

kay Don Jua’y iniabot na,

naghiwalay ang dalawa’t

ang Hari ay namahinga.

 

1074. Nang gumabi ay dumating

si Donya Mariang butihin,

nagtanong sa kanyang giliw

kung ano dapat gawin.

 

1075. “Naririto, aking sinta,

ang utos ng iyong ama,

itong praskong bigay niya

ay may lamang mga ita.”

 

1076. Mga ita’y pinawalan

sa laot ng karagatan,

bukas, bago mag-agahan

makita nang naririyan.”

 

1077. “Bilang ay labindalawa

ng naririyang mga ita,

pag nagkulang ng isa

buhay ko ang kahalaga.”


1078. “Iyay’y munting bagay lamang.”

kay Donya Mariang saysay,

“huwag magulumihana’t

kay dali tang malusutan.”