1426.``Pag-iisang dibdib ninyo’y
Gagawin sa linggong ito
Ganito ang pasiya’t ko’t
Nang matapos na ang gulo.’’
1427.``Samantalang naghihintay
Ako sana’y pagtapatan,
Ang pinutol na hinakdal
May malaking kahulugan.’’
1428.``Isang bagay na dapat kong
Liwanagin kung totoo,
Akong haring ama ninyo
Sa masama ay ayoko.’’
1429.``Anak ko man ay suwail
Ang marapat ay itakwil,
Kasamaang pausbungin
Sa bayan ay pagtataksil.’’
1430.``Tunay nga po,Haring mahal.’’
Kay Leonorang katungunan,
``ngunit ako’y pairugan
Pagkaraos na ng kasal.’’
1431.Anupa nga’t naayos din
Ang sa pusong suliranin,
Kasiyahang nangulilim,
Nagpatuloy nang magningning.’’
1432.Sa palasyo’y anong saya
Lahat doon ay masigla,
Tiwala ang Hari’t Reynang
Ang ulap ay naparam na.
1433.Hindi nila nababatid
Na sa nayo’y may ligalig,
Ito’y apoy na sasapit
Sa palasyong nagtatalik.’’
1434.Natalos ni Donya Maria
Sa tulong ng dunong niya:
Ang Prinsipeng kanyang sinta
Nakalimot ng talaga.
1435.Ang pangakong babalikan
Nang araw ding magpaalam,
Inabot ng tatlong araw
Pangako’y bulang natanaw.
1436.Natalos ding sa palasyo
Kasayahan ay nagulo,
Nang maayos namin ito’y
May pakasal na sa lingo.
1437.Ikakasal ay di iba’t
Si Don Jua’t at si Leonora,
Ang higanti ay handa na’t
Gagawin ni Donya Maria.