404. Muling ipinagpatuloy
ng Hari ang panunungkol,
kaharia'y mahinaho't
ang lahat na ay umayon.
405. Buhat nang siya'y gumaling
ang Adarna'y naging aliw,
oras-oras kung dalawi't
parang bata kung laruin.
406. At sa kanyang pagmamahal
pati Reyna'y namamaang,
kung ang ibo'y tao lamang
panibugho ay naglatang.
407. Sa sarili'y di nagkasya
ng pagdalawa sa Adarna,
naisipang pag gabi na'
pabantayan itong hawla.
408. Di sa iba ibibigay
ang ganitong katungkulan,
baka anya pabayaang
makawala o mamatay.
409. Hinirang ang tatlong anak
at nagbala ng marahas:
"Ang sainyo ay magsukab
sa akin ay magbabayad."
410. Nakatadhana sa utos
ang gawaing pagtatanod;
ang tatlo ay sunod-sunod;
sa magdamag walang tulog.
411. Tatlong hati sa magdamag
bawat isa'y tatlong oras;
para nilang hinahatak
ang gabi sa pagliwanag
412. Ang panaho'y pumapanaw
araw ay di matulusan,
ang tatlo sa halinhina'y
panatag sa katungkulan.
413. Datapwat O! ang inggit!
Sawang maamo'y naglupit,
pag sinumpong na magganid
panginoo'y nililingkis.
414. Si Don Pedrong pinatawad
sa gawang di marapat,
sa sarili'y naging galak
kapatid ay... ipahamak!
415. Naisipan isang gabi
sa kanyang pagsasarili,
kahihiyan ng sarili'y
lihim na ipaghiganti.
416. Kapatid na pangalawa'y
niyayang magsabay sila
nang pagtanod sa Adarna't
mag sabay ring mamahinga.