569.Sa palasyo’y nakadungaw
Si Leonorang matimtiman,
Ang prinsipe, nang matanaw
Biglang nagulumihanan.
570.Nabigla itong prinsesa
Sa taong kanyang Nakita,
Si Don jua’y napatanga
Sa palasyong pagkaganda.
Ibong Adarna
571. Ang palasyo kung munti man
Ay malaking kayamanan ,
Walang hindi gintong lantay
Ang doon ay tititigan.
572.Palamuti sa bintana,
Pagkaliit isang mutya;
Perlas rubing tila luha
Ng langit sa abang lupa.
573.Sa ginta ng mga perlas
Tala manding namanaag
Si Leonorang pagkarilag
Ang prinsipe’y napakurap.
574.Natikom ang kanyang bibig
Dila ay parang napagkit
Mga matang nakatitig
Alitaptap na namitig!
575.kaya lamang nakahuma
Nang sinimulan ni Leonora:
``O,pangahas sino ka ba
At ano ang iyong pita?”
576.``Aba,palaba ng buwan,
Tala sa madaling araw,
Hingi ko’y kapatawaran
Sa aking kapanghasan.”
577.``Sa mahal mong mga yakap
Alipin mo akong tapat
Humahalik at ang hangad,
Maglingkod sa inyong dilag.”
578.``Di mo baga nalalamang
Mapanganib iyang buhay;
Sa Serpyente kong matapang
Walang salang mamatay?”
579.``Mapanganib man ngang lubha
Ano pa ang magagawa,
Kung palad kong masaliwa
Tanggapin ang pagkadusta.”
580.``Hindi gaanong masaklap
Na mapatay ng kalamas,
Sa akin ang dusa’t hirap
Masawi sa inyong lingap.”
581.``Ikaw baga’y nagbibiro
O ako’y sinisiphayo?
Hayo’t dito ay lumayo
Taong lubhang mapaglako.”
582.Hindi kita kailangan
Ni Makita sa harapan,
Umalis ka’t manghinayang
Sa makikitil mong buhay.”
583.Ang prinsipe’y di tuminang
Sa anyong kahabag-habag
Idinaing din ang hirap
Ng pagsinta nyang tapat.
584.``Pinopoon kong prinsesa
Galit mo po ay magbawa,
Kung ako ma’y nagkasala
Ito’y dahil sa pagsinta.”
585.``Danga’t ako’y nagkapuso
Na pinukaw ng pagsuyo
Sa dilag mo’y kailan ko pa
Matatangap ang pagsiphayo?”
586.``Labis-labis ang paggalang
Sa iyo pong kamahalan,
Hingin man nga yaring buhay
Sa galit mo po ay kulang.”
587.``Gasino na yaring palad
Na hamak sa lalong hamak,
Kung may daan pang tumaas
Nang sa iyo’y maging dapat.’
588.``Sa iyong kapangyarihan
Sino kaya ang susuway?
Ngunit ang di ko malama’y
Ang gagawing kong pagpanaw?”
589.``suwayin ang iyong nais
Pinid sa aking ang langit;
Lumayo sa inyong titig
Hininga ko’y mapapatid.
590.``Sa gipit kong kalagayang
Walang hindi kasawian
Ikaw na prinsesang mahal
Ang magbigay kahatulan.”
591.Itong mga huling hibik
Kay Leonora nang marinig
Nagmahiw ang aking galit,
Pagsinta’y napasadibdib.
592.Naawa’t sa pagkaawa,
Ang puso ay lumuluha,
Danga’t hindi nahihiya
Niyapos ang may dalita.
593.Lihim niyang pagkahabag
Sa titig naipahayag
Isang titig na malingap
Na langit na ng pagliyag.