480. Inakyat ang kabatuhan
nang dumating sa ibabaw,
sa gitna ng kasabikan
ay may balong natagpuan.
481. Balo’y lubhang nakakaakit
sa kanilang pagmamasid.
malalim ay walang tubig,
sa ibabaw ay may lubid.
482. Ang lalo pang pinagtakha’y
ang nakitang kalinisan
walang damo’t mga sukal
gayong ligid ng halaman.
483. Ang bunganga ay makinis
Batong marmol ma nilahik,
Mga lumot sa paligid
Mga gintong nakaukit.
484. Kaya mahirap sabihing
balo’y walang nag-aangkin
ngunit saan man tumingin
walang bahay na mapapansin.
485. Si Don Juan ay nag wika;
“Balong ito’y may hiwaga,
ang mabuting gawin kaya’y
lusungi’t nang maunawa.”
486.” Ngayon din ako’y talian
ihugos nang dahan-dahan,
tali’y huwag bibitawan
hanngang di ko tinatantang.”
487. Wika naman ni Don Diego;
“Ako’y matanda na sa iyo,
kaya marapat ay ako
ang hugas muna ninyo.”
488. “Ako ang iyong tatarok
ang hangganan kung maabot
at doo’y matatalos,
malalaman ninyong lubos.”
489. Si Don Pedro ay humadlang;
“Wala ka ring karapatan,
Pagkat ako ang panganay,
Nasa akin ang katwiran.”
490. “Kung gayon,” anang dalawa,
“ikaw ang siyang mauna,
Kami nama’y bahala nang
Sa baalita mo umasa.”
491. Nang ihugos ay nagbilin
“Ang hawak ay pagbutihin,
at sa oras na tantangin,
sa ibabaw ay batakin.”