1. Oh, Birheng kaibig-ibig

Ina naming nasa langit,

liwanagin yaring isip

nang sa layon, di malihis.

 

2. Ako’y isang hamak lamang

taong lupa ang katawan,

mahina ang kaisipan

at maulap ang pananaw.

 

3. Malimit na makagawa

ng hakbang na pasaliwa

Ang tumpak mong ninanasa

Kung mayari ay pahidwa.

 

4. Labis yaring pangangamba

na lumayag na mag-isa,

Baka kung mapalaot na

Ang mamangka’y di makaya.

 

5. Kaya Inang kadakilaan

ako’y iyong patnubayan,

Nang mawasto sa salaysay

Nitong kakathaing buhay.

 

6. At sa tanang nariritong

nalilimping maginoo,

kahilinga’y dinggin ninyo

 buhay na aawitin ko.

 

7. Noong mga unang araw

sang-ayon sa kasaysayan,

sa Berbanyang Kaharian

ay may haring hinangaan.

 

8. Sa kanyang pamamahala

kaharia'y nanagana,

maginoo man at dukha

tanggap na wastong pala.

 

9. Bawat utos at balakin

kaya lamang pairalin,

nasangguni't napagliming

na sa bayan ay magaling.

 

10. Kaya sa bawat kamalian

na sa kanya'y ipagsakdal

bago bigyang kahatula'y

nililimi sa katwiran.


11.  Pangalan ng haring ito

ay mabunying Don Fernando,

 sa iba mang mga reyno’y,

 tinitingnan maginoo.”

 

12. Kapilas ng puso niya

ay si Donya Valeriana,

ganda'y walang pangalawa’t

sa bait ay uliran pa.

 

13. Sila ay may tatlong anak,

tatlong bunga ng pagliyag,

binata na't magigilas

sa reyno ay siyang lakas.

 

14. Si Pedro ang panganay

 may tindig na pagkainam

gulang nito ay sinundan

 ni Don Diegong malumanay.”

 

15. Ang pangatlo'y siyang bunso

si Don Juan na ang puso,

sutlang kahit na mapugto

ay puso ring may pagsuyo.

 

.