1240.Nagulo na ang isipan

       Ng Haring di mapalagay,

       Na kung bakit di mapatay

       Ang prinsipeng manliligaw.

 

1241.”Muli siyang susubukin

        Kung dito pa’y ililigtas din,

        Bahala ko nang isipan

        Ang paraang dapat gawin.”

 

1242.Noon din ay inutusan

       Ang kawani niyang mahal:

       “Tawagin mo si Don  Jua’t

        Kami ay mayro’ng panayam.”

 

1243.Malugod din at masiglang

       Ang Prinsipe’y humarap na:

       “Mag-utos ng makakaya,

        Minamahal kong Monarka.”

 

1244.”Narito at nakahanda

        Ang aking ipagagawa,

        Ikaw ang siyang bahalang

        Buong kayang mangasiwa.”

 

1245.”Buong kaya ang sabi ko

        Sa dahilang ang totoo,

      Awa’t lupit ang sa iyo’y

      Sandatang gagamitin mo.”

 

1246.”Ako’y may isang alagang

        Kabayong hari ng sama’

        Mailap at naninipa,

        Mahal na aking lubha.”

 

1247.Ang ibig ko ay paamuin

       At bumait na magaling,

       Kabayo ko’y gagamitin

       Sa balak na  pag-aaliw.”

 

1248.”Kunin mo sakanyang bahay

        Pati mga kagamitang

        Mahalaga sa pagsakay,

        Siya’t pamigil na busal.

 

1249.”Ngayon ay mamahinga na’t

        Nang bukas ay may lakas ka,

        Pagpapaamo ay iba,

        Hirap,pagod,magkasama.”

 

1250.Paanong matatahimik

       Ang isang may iniisip

       Si Don Juan’y naiinip,

       Sa pag hihintay sa ibig.

 

1251.Lampas na sa takipsilim

    Nang ang sinta ay dumating ,

    Ang inip na humilahil

    Noon lamang naging lambing.

 

1252.”Sabihin mo na, Don Juan,

        Ang utos ng Haring mahal

        Sa anaho’y manghinayang 

        Baka tayo at maiwan.”

 

1253.”Ang alaga ng ama mo

        Na mailap na kabayo

        Bukas daw ay sanayin ko’t

        Nang umamo daw ang d’yablo.”

 

1254.Pakli nmn ng Prinsesa:

       “Ang kabayo dili iba

        Kundi ang akin ding ama,

        Sa pagsakay mag-ingat ka.”

 

1255.”Yaong katad na pamigil

        Na may gintong nagniningning

        At ang siyang parang garing

        Ay mga kapatid ko rin.”

 

1256.”Nasa bibig namang busal

        Bakal na nakasihang,

        Ako yao’t pag tinantang

        Ang kabayo’y masasakyan.”

 

1257.Ang kabayo nga’y mailap

       Mabagsik at walang habag,

       Kaya mag papakaingat

        Ng hindi ka mapahamak.”

 

1258.”Paglapit mo sa talian

        Mata’y magbabagang tunay,

        Masisipa’t aatungal,

        Kasindak-sindak pagmasdan.”

 

1259.”Kapag ayaw magpasiya

        Maninipa at daramba,

        Palo’t dagok gawin mon na

        Hanggang mahirapan siya.”

 

1260.”Galingan mo ang pag-ilag

        Sa damba at mga sikad,

        Mga kuko’y matatalas

        Katawan mo’y mawawalat.”

 

1261.”Madali mong mahalatang

        Ang kabayo ay mahina,

        Daloy sa mata ng luha

        Bulwak ng bukal na sira.”

 

1262.”Subuan mon a ng busal

        Ang siya’y madaling ilagay,

        Lagay ng renda’y tibayan

        Tiyakin ang katatagan.”