Tara, kape tayo?
Ni Jonalyn Dagpin
Ang bilis ng panahon, parang kailan lang takot na takot ako pumasok sa paaralan ngayon sinong mag aakala na huling pagsusulit ko na 'to? Napatingin ako sa kabundok na mga papel na kailangan kong aralin para sa nalalapit na board exam, ang dami nito kakayanin ko ba? Bakit tila nais ko na lang sumuko? Makapapasa naman kaya ako?
Samu't saring bagay ang sumagi sa aking isipan, hindi alam kung paano sisimulan ang pagrerebyu. Kaya ko 'to, kakayanin ko para sa pangarap ko. Sinimulan ko ang pagbabasa at pag aaral sa kung ano anong paksa, mahirap man at minsa'y wala akong maunawaan ay nagpatuloy ako at inulit ulit ang pagbabasa hanggang sa maunawaan ito. Sa unti unting pagbagsak ng talukap ng aking mata ay mabilis akong umupo nang tuwid at napabuntong-hininga.
Kay dami nito! Unti unti na akong nawawalan ng pag-asa, kasabay ng pagbisita sa akin ng antok.
Hindi, hindi pwede. Kailangan kong makapasa, hindi lang dahil sa aking pangarap ngunit nais kong masuklian ang sakripisyo ng aking ina't ama. Mabilis akong nagtungo sa kusina at nagtimpla ng kape, isang mainit at matapang na kape na tiyak kong gigising sa aking diwa. Sa isang higop ng kape ay napangiti ako. Tama, hindi ako maaaring sumuko, kailangan kong makapasa, kakayanin ko.
Buong gabi ay nakatuon ang aking atensyon sa mga libro at papel at sa tuwing dadalawin ng antok mabilis akong hihigop ng kape upang magising ang aking diwa.
Dumating na ang pinakahihintay kong araw, ang paglabas ng resulta ng board exam, hindi ko alam kung ano ang aking gagawin, kinakain ako ng takot at nerbyos. Paano kung hindi ako pumasa? Uulit na naman ako? Huminga ako nang malamim at humigop ng kape. Tama, ano man ang resulta ay hindi rason iyon para mawalan ng pag-asa. Pinagpaguran ko iyon at alam kong ginawa ko ang makakaya ko kaya tatanggapin ko kung ano man ang resulta.
Nabitawan ko ang aking hawak na mga papel. Mabilis ang pagtibok ng puso ko habang samu't saring emosyon ang namamayani sa akin, napaiyak ako sa tuwa. Pasado ako! Magkakaron na ng doktor sila mama! Matutupad na ang pangarap ko!