Iginuhit ni Jayrah Valeña
Digitalized by Kurt Santiago
Iginuhit ni Jayrah Valeña
Digitalized by Kurt Santiago
Itigil na ang lubos na paggastos
Ni Abdul Rafi A. Buludan
Paano makokontrol nang maayos ang paggasta kung ang pinuno ay lubos kung gumastos? Halos libutin na ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. ang buong mundo nitong mga nakaraang buwan dahil sa sunod-sunod nitong pagbiyahe at pag-alis sa bansa. Ito ay nakababahala dahil patuloy pa rin ang paglobo ng mga problema sa bansa na dapat ay may agarang solusyon na, ngunit magpasahanggang ngayon ay wala pa ring nakikitang proseso at pagbabago. Pitong buwan pa lamang ang nakalilipas, ngunit walong beses na siyang lumabas ng bansa kasama ang unang ginang na Liza Araneta-Marcos, mga miyembro ng kongreso at mga negosyante. Bumiyahe na siya sa iba’t ibang panig ng mundo tulad ng Jakarta, New York, Phnom Penh, Bangkok, Brussels, at Switzerland.
"I think tama lang po, 'wag lang araw-araw" ‘yan ang sabi ni Albay Representative Joey Salceda tungkol sa pambabatikos ng Makabayan bloc kay PBMM dahil sa umano'y magarbo nitong partisipasyon sa World Economic Forum sa Davos, Switzerland. Hindi na ito nakapagtataka sapagkat puro buka lang sila ng kanilang bibig wala naman nagagawa. Nakagugulat ang patuloy pa ring pagtatanggol ng iba ang mga ikinikilos ng presidente. Hindi na talaga sila nadadala at paulit-ulit pa rin na naniniwala sa wala.
Ipinangako naman ng Department of Trade and Industry, ang 23.6 bilyon na para sa pamumuhunan na nagmula umano sa biyahe ng pangulo sa limang bansa. Ang hirap paniwalaan hindi ba? Patuloy pa rin silang nambubulag sa mga pampalubag-loob nilang mga pangako.
Napakaraming problema ng bansa lalo na ang patuloy na paglobo ng presyo ng mga bilihin dulot ng inflation. Mula Enero hanggang Nobyembre 2022, umabot ang gastos ng gobyerno sa 1.23 trilyong piso na naging dahilan sa pagtaas ng utang ng Pilipinas sa 13.64 trilyong piso nitong Nobyembre, at ang debt-to-GDP ratio na 63.7%, ang pinakamataas na naitala sa loob ng 17 na taon.
Kay saklap tanggapin na halos lahat ay nagdurusa samantalang nagpapakasasa naman sa paggasta ang pinuno ng bansa. Sana ay makapagnilay-nilay din ang taong-bayan sa patuloy nilang paghihintay, hindi yung patuloy nilang binibigyan pugay ang pinuno na parang walang plano para sa ikauunlad ng buhay ng mga Pilipino. Sana rin ay matigil na ang lubos na paggastos at ituon ang pokus sa paglilingkod upang matulungan ang lahat na makaraos.