Liham ng 15
(Salamisim)
Isinulat ni Via Anjeleen I. Camposano
Akala ko noon kapag tumuntong ka sa edad na ikaw ay ganap na kabataan ay malaya ka na dahil kahit papaano ay maaari mo na gawin lahat ng gusto mo pero bakit parang ang pakiramdam ko ngayon ay salungat ang nangyayari sa gusto kong mangyari noon? Parang hindi naging maganda para sa akin ang mga nagaganap dahil ngayon ay iniisip ko na ang sasabihin ng ibang tao tungkol sa akin.
Napatigil ako sa pag-iisip nang may batang kumalabit sa akin, nanlaki ang aking mga mata dahil sa mukha niyang napakapamilyar. Kinusot ko pa ang aking mata para makasigurado. Ngunit paano? Paanong ang batang kausap ko ay ako? Totoo nga ba ang lahat ng ito?
“Kumusta?"
Isang salita lamang ang lumabas sa bibig niya ay agad akong nanghina, hindi mapigilan ng mata ko ang lumuha. Matagal ko na itong hinihintay, hinintay ko na kahit isang beses ay may magtanong sa akin kung kumusta na ba talaga ako. Ngunit ang bibig ko ay parang nakatahi. Sapagkat maski ako ay hindi alam kung kumusta na nga ba talaga ako. Ayos nga lang ba talaga ako? O pinipilit ko na lang maging maayos dahil wala akong pagpipilian?
“Hindi, hindi ako maayos."
Hindi ko kayang magsinungaling sa kaniya. Hindi ko kayang magsinungaling sa sarili ko. Hindi ko na napigilan ang sarili ko at umiyak lang ako nang umiyak sa harapan niya. Sapagkat sa kaniya ko lang kaya ipakita na may panahon na mahina ako, may panahon na kailangan ko ng kasama, may panahon na kailangan ko ng sasandalan, kailangan ko siya, kailangan ko ang sarili ko.
Habang umiiyak ay sinabi ko sa kaniya lahat. Gaya ng kung paano ako natakot sa mapanghusgang mata ng mga tao at ang kanilang salita na aakalain mong kutsilyo dahil sobrang sakit kapag nabaon ang talim nito sa puso mo pati na rin kung paano ako unti-unting patayin ng kanilang salita ngunit wala akong magawa dahil alam kong ang kagaya nila ay hindi kayang umunawa. Sinabi ko rin kung gaano ako natatakot na mabigo sa labanan habang tinatahak ang daan papunta sa kaginhawaan.
Hindi ko mabatid bakit biglang gumaan ang puso ko nang mailabas ko lahat ng kinimkim kong sama ng loob. Sa isang iglap ay nawala ang batang kaharap ko, ang batang ako. Sana sa susunod ko siyang makita ay hindi pag-iyak at paglabas ng sama ko ng loob ang gagawin ko habang kaharap ko siya. Sana sa susunod na pagkikita namin ay pagkkwentuhan na lang namin kung gaano kami nagtagumpay at nalagpasan ang mga pagsubok na dumating sa aming buhay. Masaya ang puso ko na para bang walang bumagabag sa utak ko ilang oras pa lang ang nakalilipas. Ang salamisim ng nakaraan ang naging daan para ang puso ko'y gumaan.