Pag-aaral apektado dahil sa pandemya at pagbabago ng klima na patuloy na nadarama
Ni Brian Andrei B. Lardizabal
Tatlong taon na mula nang ang Covid-19 ay nabuo at naminsala sa buhay ng mga tao. Ngunit patuloy pa rin tayong pinahihirapan ng pandemyang ito na pati edukasyon ay nadamay. Ang Covid ay hindi lamang naging dahilan upang palitan ang sistema noon ng pag-aaral mula face to face modality hanggang naging online kundi pati na rin ang pag-reset ng school calendar mula sa buwan ng Hunyo na pasukan ay naging Oktubre. Kaya ngayon ay apektado ang mga mag-aaral sa tindi init ng panahon. Isa pang malaking problema na kinakaharap ng mundo ay ang pagbabago ng klima at pag-init ng daigdig. Katunayan itinaas na ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) noong Mayo 2 ang El Niño Southern Oscillation (ENSO) Alert and Warning System sa El Niño alert. Isa itong senyales na lalo pang lumalala ang problema na dahil din naman sa dulot ng tao at pag-abuso sa kalikasan kaya lalo pang umiinit sa tuwing panahon ng tag-init na ngayon ay nakaaapekto sa edukasyon at kalusugan ng mga mag-aaral.
Dahil sa mga problemang ito, nadamay pati ang edukasyon at kalusugan ng mga estudyante kaya isinulong ng Kagawaran ng Edukasyon ang blended learning. Sinabi ni DepEd spokesperson Michael Poa na binibigyan nila ng awtoridad ang mga pinuno ng paaralan na magsuspindi ng in-person classes at lumipat sa alternative delivery mode. Ito’y may kaugnayan sa unang inilabas na DepEd Order No. 37, S. 2022 na naglalaman ng mga alituntunin sa pagkansela o pagsuspinde ng mga klase at trabaho sa mga paaralan sa kaganapan ng mga natural na sakuna, pagkaputol ng kuryente at iba pang kalamidad. Hinikayat din ni Senate Basic Education Committee Chairman Sherwin Gatchalian ang mga paaralan na iwasan muna ang mga outdoor activities.
Umabot na sa lampas 40 degrees celsius ang nararamdamang init ngayon kaya naging mas mahirap para sa mga estudyante ang matuto at mag-aral lalo na sa mga silid-aralan na kaunti lamang ang electric fan. May mga silid din na siksikan na ang mga estudyante dahil sa kakulangan. Patunay din ito na ang bansa ay may malaking problema sa edukasyon na dapat masolusyonan na ng pamahalaan. Marami na ring nagkakasakit tulad ng lagnat at pagkahilo dahil sa tindi ng init kaya magandang panukala ito dahil mahalagang pangalagaan ang ating kalusugan upang makapag-aral ng maayos at mabuti.
Natapos man na ang mga lockdown at mas lumuwag na ang mga restriction sa bansa, hindi pa rin tayo lubos na nakalalaya sa pandemya sapagkat ang mga epekto nito ay patuloy pa rin nating nararanasan. Ang ating problema naman sa kalikasan ay dapat nating pagtuunan sapagkat tayo rin ang mahihirapan kung wala tayong sisimulan, maliit man na bagay ay malaking tulong na ito. Edukasyon ang pag-asang pinanghahawakan ng maraming Pilipino upang umasenso at makaahon sa hirap. Kaya sana’y solusyonan na ng gobyerno ang mga problemang ito at nawa’y magkaroon ng dekalidad na edukasyon na nararapat para sa ating lahat. Unti-unti natatapos ang krisis ng pandemya ngunit ang krisis pang-edukasyon ay kailan ba matatapos kasabay pa ng matinding pagsubok ng pabago-bagong panahon?