Iyong Tropeyo
Isinulat ni Isaiah Sachiko D. Robles
Kailan mo masasabing ika’y nagtagumpay sa buhay?
Ito ba’y kapag pinarangalan kang tunay?
O ‘pag abot kamay na ang pangarap na dalisay?
At sa’yo bang pagtahak nitong daang puno ng hamak
Ito ba’y kayang harapin ng buong galak?
Sa mabilis na pag inog ng mundo,
Dala nito’y limpak-limpak na pagbabago
Tagumpay ay ginawang laro at tayo bilang manlalaro
Ngunit ang palaruang puno ng payaso
Sa hamak na daan, kailangan maging tuso
Upang kilalaning mahusay, lahat ay iaalay
Ultimo kula ng ‘yong buhay
Isang desperading galaw
Masilayan lang ang sinag ng panibagong araw
Ngunit ‘di dapat kalimutan
Ang payak na pinagmulan
Tagumpay may magbibigay galak, ngunit ‘di nito mapupunan
Ang usong nananabik ng tahanan
Kaya’t kung darating man ang panahong mahahagkan
Ang tagumpay na inaasam at inaasahan
Ito’y dapat pagkaingatan at alagaan
Sapagkat ito’y isang tropeyo
Na saksi sa mga laban at sakripisyo mo