May laman pa ba utak mo?

Ni Hanna Mikka D. Raymaro 

Tunog ng despertador ang bubungad sa umaga ko. Aasahan ang anunsiyo na babalik ang lahat sa kinagawian. “Ano ba yan, pagbabago na naman! May natutuhan pa ba ako?” Simula nang umusbong ang pandemya dulot ng Corona Virus, marami ang pagbabagong naganap sa sistema ng edukasyon. Maraming paaralan ang nagsara, at ang mga estudyante ay hindi maaaring pumasok sa paaralan dahil sa lumalaganap na virus. Dahil dito, ipinatupad ng Kagawaran ng Edukasyon ang online distance learning; online class at modular bilang alternatibo. “Hindi naman lahat mayaman at may pambili ng gadget at WiFi para riyan, at hindi naman lahat mabilis maka-gets para maging modular, gusto lang namin makapag-aral,” iyan ang hiyaw ng ilan sa mag-aaral. Paano na sila? Sinong tutulong sa kanila? Gusto lang naman nila makapag-aral, hindi ba?

Nagsimula ito noong Marso 2020, marami ang nahirapan, marami ang hindi nakapag-aral, at marami ang nawalan ng oportunidad. Kakulangan sa materyales para makapag-aral dahil hindi naman lahat ay naka-aangat sa buhay. Ilang taon ang nakalipas, taong 2022 ikalawang buwan ng Nobyembre, ipinatupad ng Kagawaran ng Edukasyon ang DepEd Order No. 34 Series 2022 na nagsasaad ng face-to-face classes. Nagsimula naman ang taong panuruan para sa 2022-2023 noong Agosto 22, 2022 nang in-person classes. Marami ang nahirapan sa pagbabago na ito ngunit mas marami ang lumuwag dahil konti-konting bumabalik sa dati ang lahat. 

Bumabalik na sa dati... Bumabalik na nga ba? Kamakailan lang nagpatupad sila ng Three days classes, hindi ba? Ikalawa ng Mayo, dahil sa mainit na panahon, tatlong araw lamang sa isang linggo pumapasok ang mga estudyante. Samu’t-saring komento na naman ang maririnig sa paligid dahil panibagong adjustment na naman ang matatamo ng mga estudyante pati na rin ang mga guro. Sabi nga ni Chalsey Bermoy, estudyante mula sa Mataas na paaralan ng Tibagan “Medyo hirap akong makasunod sa lessons ngayong three days lang ang pasok. Mabilisan kasi magturo ang mga teachers dahil may sinusunod silang schedule.” Kung ipagpapatuloy nila ito para lang makapagtapos ang mga mag-aaral, may matututuhan ba talaga sila? Dagdag pa ni Chalsey, “Kung magpapakatotoo ako, wala talaga akong natutuhan. Most of the students kasi slow learners or yung need talaga ng magtuturo.”

Dahil sa mga pagbabago sa sistema ng edukasyon, mas lumawak ang sistema na mayroon tayo. Kung dati ay sa loob ng silid-aralan lang nakakapagturo ang mga guro ngayon, sa pamamagitan ng teknolohiya na rin! At dahil sa mga pagbabago na ito, marami ang nangangailangan ng tulong mag-adjust. New normal na talaga, ano? Masasabi pa kaya natin na edukasyon ang kapatiran ng ating kinabukasan? O pumapasok lang tayo kahit wala nang natututuhan? Ipipikit na ulit ang mga mata at hihintayin ulit tumunog ang despertador, hudyat na kailangan kong harapin ang mga pagbabago.