Hukuman nasaan na ang katarungan?

ni Abdul Rafi Buludan

 

May mga naglalabasan ngunit nagtatago na parang mga daga na kinikilalang witness laban kay suspended Negros Oriental Arnolfo Teves Jr. dahil sa umanoy pagpaslang nito kay Governor Roel Degamo. Hindi ba parang nakapagtataka na sa muling pagkakataon na may tumestigo ay muli na naman silang umatras? Hindi na ako magugulat kung ang dahilan nito ay pera at impluwensya.


Ilang buwan na ang nakalilipas ay patuloy pa rin na tinutunton si Teves na humaharap sa kasong murder, multiple frustrated murder at multiple attempted murder na naging dahilan upang siya ay ituring na terorista sa bansa. Ang kaso ay inihahain nang inihahain ngunit lagi lagi rin itong napapanis.


Tunay nga ba na hindi matunton si Teves o sadyang nabubulag na naman sila sa pera nito? Malaking basehan ang kaniyang pagiging maimpluwensiya sa kaniyang pagharap sa kaso na hanggang ngayon ay hindi niya magawa at patuloy pa rin sa pagtatago. Malaki rin ang posibilidad na ang kasong ito ay maibabaon na naman lalo na at kapangyarihan ay sangkot dito.


Hanggang ngayon ay itinuturing pa rin na hindi guilty si Teves dahil nga sa kaniyang hindi pagbalik sa bansa. Nakababahala rin na matagal na rin na nakasuhan din siya ng parehong kaso noong 2019 ngunit hindi rin siya napanagot dito. Sadya bang hindi niya kayang harapin ang mga ito o nais na naman ng hukuman na bigyan ito ng pribelehiyo na makatago na parang daga.


Tunay ngang bulok at patuloy na mabubulok ang hustisya sa bansa kung patuloy pa rin na mananaig ang kasakiman ng mga tauhan ng hukuman. Kaya ang maitatanong ko lang ay "hukuman nasaan na ang katarungan?"