Arigathanks Gozaimuchnida
Isinulat ni Gwyneth Mari F. Bustos
Annyeonghaseyo! Korea-anong sa’yo? Pilipinas anong sa atin?
Alibata, Baybayin, kilala pa ba? “Saranghae”, “Arigatou”, naging pamalit na ba? Sa panahon ngayon, ang salitang “Annyeonghaseyo” at “Konnichiwa” na ang ginagamit ng ilang kabataan sa pagbati sa kani-kanilang kaibigan sa halip na “Kumusta”, at may kasama pang finger heart! Ating mapupuna ang epekto at naging impluwensya ng pagtangkilik ng mga Pilipino sa ibang lenggwahe ng iba’t ibang bansa. Tuluyang nahumaling ang mga kabataan sa ibang kultura na dumating sa puntong kanila itong ginagaya na maaaring maging dahilan ng papagbabago sa ilang aspekto ng kanilang pagkatao.
Subalit, kailangan ba nating kalimutan ang sariling wika na magiging dahilan ng pagkasira ng ating sariling kultura? Sa totoo lang, mas bihasa pa tayo sa kanilang alpabeto at pananalita. Ang kulturang Koreano at Hapon ay patuloy nang nilalamon ang ating bansa kung kaya’t hindi na rin imposibleng ang kanilang wika ay ating mas bigyang pansin sa halip na wikang Filipino kung saan tayo ay dapat mahasa.
Ang dugong Pilipino ay tunay na nananalaytay sa atin, sariling wika ay ating ipagmalaki at tangkilikin. Wika’y nagsilbing sinturon nang sa gayon ay maitali ang mga mamamayan upang magkaisa ang diwa, hangarin, at kalsadang tinutugpa. Kahit saan mang panulukan ng mundo mapadpad, kahit gaano pa karami ang wikang banyaga na ating matututuhan, itatak sa isipang ang wikang Filipino ay ating gamitin hanggang sa ating huling hininga. Walang ibang gagamit at makapagpapaunlad nito kun’di tayong mga Pilipino. Nawa’y tayo’y huwag magbulag-bulagan at huwag pabayaan ang sariling bayan na tuluyang maging isang bihag.
Ika nga ni Jose Rizal, “Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at malansang isda; kaya ating pagyamaning kusa, gaya ng inang sa atin ay nagpala.”