Nawawala o Itinatago?
Ni Reign Nicole Garcia
Hindi pa rin matagpuan ang mga sabungero. Nagsimula ang pagkawala ng mga ito noong nakaraang Disyembre 2021 sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila. Nakuhanan ng CCTV ang mga sasakyang pumasok sa sabungan sa Sta. Ana, Manila at nang lumabas ay hinihinalang nakasakay na ang mga sabungero. Ayon pa sa senador, malaki ang hinala niya na may mga corrupt na pulis na kasangkot sa pagkawala ng mga sabungero. May nagsabi na baka patay na ang mga ito. May nagsasabing itinatago ang mga ito. Ano nga ba ang ang katotohanan sa pagkawala ng mga ito at bakit hindi pa rin natatagpuan hanggang ngayon? Nawawala nga ba talaga ang mga ito o itinatago?
Kahit dugo na ang ilabas sa mata ng mga kaanak ng biktima ay mabagal pa rin ang proseso ng paghahanap sa mga sabungero. Ilan sa mga ito ay naghihinalang itinago ang kanilang mga kaanak. Subalit ay wala pa ring nakapagtuturo kung nasaan na ang kanilang kaanak. Isa sa mga biktima ang nakapag-text pa umano sa ama nito bago kinidnap sa Manila Arena. Mula noon, hindi na nakita ang sabungero.
Sa pagbisita ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Palo, Leyte noong 2022 ay sinabi nito na posibleng patay na ang mga sabungero. Sinabi rin niya na maaaring may sindikato sa sabungan at mayroon umanong ginagawa sa sabungan para manghina at matalo sa laban ang mga sabungero.
Ika-13 ng Enero 2023, May nakikita si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na magiging malaking breakthrough sa kaso ng 34 na nawawalang sabungero. Muling nakipagpulong kay Remulla ang mga kaanak ng nawawalang sabungero. Unang pahayag ni Remulla na posibleng patay na ang mga hinahanap na sabungero. Ikinasama naman ito ng loob ng mga pamilyang naghahanap sa kanilang nawawalang kaanak.
Marapat lang na ipag-utos ang imbestigasyon at alamin ang mga nangyari sa pagkawala ng mga sabungero. May paghihinala na pala sila na ganito ang nangyari subalit ay bakit hanggang ngayon hindi pa rin nalalaman ang katotohanan? Alamin dapat nila ang kasulok-sulukan ng mga kaganapang ito at kalkalin ang lahat upang malaman ang katotohanan.
Nakakaawa ang mga kaanak ng mga nawawalang sabungero na hanggang ngayon ay patuloy pa rin na umaasa na mahahanap ang kanilang kaanak. Ilan sa kanila ay tanggap na ang katotohanan na hindi na muli makikita ang kaanak at ilan sa kanila ay patuloy na kumakapit sa hustisya. Subalit ay paano kung tuluyan na itong ibinaon sa limot ng mga nakatataas at itinatago na lamang ang katotohanan?