Career Planning, dinaluhan ng mga mag-aaral ng ika-sampung grado

Isinulat nina Kenneth Rafael Rabe at Tracy Francisco Anaviso


Nagsagawa ng Career Planning para sa mga mag-aaral ng ika-10 grado ng Mataas na Paaralan ng Tibagan noong ika-17 ng Enero 2023 na ginanap sa Audio Visual Room (AVR) ng paaralan. Ito ay pinangunahan ng Student Affairs System (SAS) at ng PESO DOLE na naging katuwang ng Dibisyon ng Makati. Layunin nito na matulungan ang mga mag-aaral na matuklasan ang kani-kanilang kakayahan, personalidad, at interes na maaari nilang maging batayan sa pagpili ng tatahaking karera sa hinaharap.


Isinagawa rin ito upang matiyak na ang mga tatahaking landas ng mga mag-aaral ay marapat na pag-isipang mabuti at paghandaan para sa kanilang kinabukasan. Nagpunta ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang paaralan tulad ng STI at Rizal Technological University (RTU). Ang mga paaralang ito ay nagbigay ng mga brochure at iba pang mga flyers kung saan nakasulat ang mga requirements, strands, at mga impormasyon tungkol sa paaralan na nais nilang pasukan. 


Ilan sa mga dokumento o requirements na kinakailangan ng isang incoming grade 11 student ay ang kanilang Original Form 138 o School Form 9 (SF9)-Junior High School, Original Form 137 o School Form 10 (SF10) - Junior High School at Philippine Statistics Authority (PSA) Issued Birth Certificate.


Mayroong iba't ibang baryasyon ng strands na maaaring pagpilian gaya ng Accountancy, Business, and Management (ABM), Science, Technology, Engineering, and Mathematics (STEM), Humanities and Social Science (HUMSS), Information and Communication Technology (ICT), atTourism Operations at Culinary Arts.


Isa pa sa mga bagay na nakasaad sa brochure at flyers na ipinagmigay ay patungkol sa paaralan na kanilang papasukan ay ang kasaysayan ng paaralan, facilities tulad ng Basketball Court, Library, Cafeteria, Classrooms, Culinary Facility, Science Laboratory Recording Studio, Computer Lab at marami pang iba.


Pinasagot sa papel ang mga dumalong mag-aaral ng isang survey form kung saan nakadepende sa kanilang sagot ang strand na swak sa kanilang kakayahan at interes. Kasunod nito ay ipinaliwanag sa kanila kung bakit iyon ang strand na maaari nilang kuninupang mapaghandaan at malaman kung ito ba talaga ang kanilang interes.


          Ang ganitong uri ng gawain ay umaakay upang tulungan ang mga estudyante sa pagpili ng kanilang tatahaking karera at mapag-isipan ng mga estudyante ang kanilang mga plano sa kanilang kinabukasan. Malaking bagay ang paggabay ng paaralan sa kanila upang matiyak ang kanilang tatahakin landas at mapaghandaan nila nang mabuti. 


      Ang mga gawaing-paggabay katulad nitong Career Planning ay mahalaga sa pagkatuto at paghahanda ng mga mag-aaral na piliin ang karerang lapat sa kanilang pangangailangan. Sapagkat, nakasalalay sa pagpapasya ng isang indibidwal ang kahihinatnan ng  kanyang pagkatao, kumpyansa sa sarili at kanyang kinabukasan.