THS: nakibahagi sa muling pagbabalik ng lakbay-aral
Isinulat ni Juliane Rose Tormento
THS: nakibahagi sa muling pagbabalik ng lakbay-aral
Isinulat ni Juliane Rose Tormento
Nakibahagi ang Mataas na Paaralan ng Tibagan sa isinagawang Educational Trip na proyekto ni Mayora Abigail Binay para sa mga mag-aaral ng Makati na nahati sa iba’t ibang iskedyul para sa bawat baitang. Nagtungo sa Pampanga ang mga mag-aaral sa ika-siyam at ika-sampung baitang samantalang sa Rizal naman ang mga baitang ika-pito at ika-walo. Layunin ng proyektong ito na mailibot sa mga sikat na destinasyon sa bansa ang mga mag-aaral upang matutuhan nilang tangkilikin muna ang sariling kanila bago ang sa ibang bansa.
Nagtungo sa Sandbox, San Guillermo Church, at Clark Museum sa Pampanga ang mga mag-aaral mula ika-siyam at ika-sampung baitang noong Mayo 9 at Marso 16 samantalang sa Blanco’s Family Museum at Petroglyphs naman nagpunta ang mga mag-aaral mula sa ika–pito at ika-walong baitang noong Abril 25 at Marso 15, 2023.na kung saan nakalibot sila sa mga sikat na pasyalan habang may natututuhan sa tulong ng tour guide.
Para kay Lord Ashley Caballero mula sa 10-Melchora Aquino, “Yung field trip, maliban sa nagiging pahinga natin siya sa mga gawain sa paaralan, nagbibigay daan din ito upang maipakita sa mga mag-aaral ang kagandahang dulot ng ating bansa, tulad na lamang ng sa San Guillermo Church, isang simbahan na nalubog sa lahar noon ngunit nakatayo pa rin ngayon, ito ay nagsasalamin sa katangian ng mga Pilipino na maging matatag.”
Ayon kay Ginoong Richard Miradora, guro sa Filipino na mas nananatili o tumatagal umano ang kaalaman kung ito’y nararanasan kung kaya hindi lamang sa paaralan ang pag-aaral, kundi makatutulong din ang lakbay-aral sa pagkatuto.
“Maaari naman nating saliksikin ang mga ito sa Internet at makita ang mga larawang nagpapakita ng mga makasaysayang lugar ngunit iba parin ang natatamong karunungan sa lakbay aral sapagkat mas matagal nanatili o tumatagal ang kaalaman dahil may kasama na itong karanasan” dagdag pa niya.
“Syempre after 2 years ng pandemic nagkaroon ulit ng field trip, nakita namin yung kasaysayan nung pinuntahan namin tulad ng San Guillermo Church tapos nagmala-meralco kami sa Sandbox. All in all, it was a fun and memorable experience, sana may next time pa po” saad ni Isaiah Robles mula sa 10-Melchora Aquino.