Tanging Hiling
Ni Brian Andrei B. Lardizabal
Iba't ibang hamon ang aking pinagdadaanan araw-araw. Unang yapak palang sa paaralan, alam kong panibagong araw na puno ng pagsubok na naman ang haharapin. Ngunit ako'y may tanging hiling na sana'y mapansin. Hiling na hindi lang para sa aking sarili ngunit sa lahat ng taong nasa larangang ito, ang pagiging isang guro. Ang pagiging guro ay hindi madali, may ibang bago makarating sa paaralan ay tumatawid pa ng bundok, naglalakad ng malayo o tumatawid sa mga ilog. Ang dedikasyon ng mga kapwa ko guro ay hindi matatawaran kaya't sana ay pagbigyan ang aming munting kahilingan na itaas ang aming sahod.
Maraming nangangarap na maging isang tulad ko, ngunit dahil sa baba ng aking sweldo sila'y umaatras at humahanap ng ibang kurso. Kaya sana'y magawan ito ng paraan ng pamahalaan dahil mahalaga ang aking propesyon at kailangan na marami pang mga guro na magtuturo sa hinaharap. Hindi ito sa pagrereklamo ngunit sa taas ng mga bilihin ngayon hindi ito magiging sapat upang buhayin ko ang aking pamilya. Nagtaas ang sahod sa mga sundalo, nagtaas ng sahod sa mga pulis ngunit tila kayo'y bingi sa hiling naming mga guro.
Sa tila kayod-kalabaw naming mga gawain ay parang hindi ito tumutugma sa sahod na aming natatanggap. Kaya gusto man o hindi, may mga gurong tulad ko ang naghahanap ng sideline o iba pang trabaho maging sapat lang para sa mga pangangailangan. Sa ating bansa, stress at sobrang pagod ang kadalasang nadarama naming mga guro ngunit hindi ito nakikita ng pamahalaan at dahil din dito may mga guro na mas pinipiling mag trabaho sa ibang bansa kaysa sa sariling bayan.
Sa bawat gabing lumilipas, ako'y nakatingala sa kalawakan na puno ng butuin. Kasabay ng pagdaan ng isang shooting star, napahiling na lamang ako at patuloy pa ring umaasa na sana'y pakinggan. Hindi mapapagod sa paghihintay masagot lamang ang tanong na, "Kailan kaya matutupad ang aking hiling?"