Depresyon sa Pandemya

Isinulat ni Allisandra Ysabelle Gonzales


"Isang Chinese ang kumpirmadong kauna unahang kaso ng coronavirus sa Pilipinas" rinig kong sabi ng reporter sa balitang aking pinanood tatlong taon ng nakalipas. Sa bawat araw na nagdaan pumapatak ang bilang ng mga sumakabilang buhay dahil sa sakit na di ko inakala na ganito ang patutunguhan. Bawat balita tungkol sa pagkalat ng virus at pagdami ng mga kaso ay nagdudulot sa akin ng pangamba at pag-aalala. 


 Nang biglang magka-lockdown, ako'y napilitang manatili sa loob ng aming tahanan, naghihintay at umaasa na sa lalong madaling panahon ay matapos ang krisis na ito. Ngunit ang mga araw ay lumipas at ang kawalan ng kasiguruhan ay unti-unting kumakapit sa aking puso. Sa bawat bilis ng pagpatak ng oras na ako'y nakakulong ay siyang bilis ng pagbalot ng kalungkutan at takot sa bawat sulok ng aking isipan.


Makauuwi na sana ang aking nanay mula sa bansang Canada nang mahinto ang saglit na kagalakan. "Ma, pasalubungan mo ko chocolate ah" naaalala kong sabi sa aking ina, ilang araw bago pa ipatupad ang travel ban. 


 Sa gitna ng kawalan ng pagkakataon na makipagkita at makapiling ang mga mahal sa buhay, ako'y nahulog sa kalagayang lubos na 'di inaasahan: ang depresyon. Unti-unti nitong kinukuha ang enerhiya, kasiyahan at maging ang interes sa aking mga gawaing hilig.  Sa mga sandaling ito, hindi ko na alam kung paano ko malalagpasan ang hamong ito. 


"Sana panaginip na lang lahat ng ito", sigaw ng isipan at dahan dahang ipinikit ang aking mata sa kahilingang gumising na tila bangungot ang lahat ng ito.