Panahon Ninyo o Panahon Namin?
ni Reign Nicole Garcia
“Noong panahon namin, hindi naman kami gan’yan.” ilang beses ko na itong naririnig sa mga taong nakasasalamuha ko. Dapat hindi tayo ganito, dapat hindi tayo gan’yan. Sa kadahilanang, hindi tayo umaayon sa paniniwala nila. Panahon ko pa ba ang dapat kong kaharapin o panahon nila? Nakapapagod, nakaiinis, at mas lalong nakagagalit. Higit sa lahat, nakapangangamba. Ika nga ni Jose Rizal, “Kabataan ang pag-asa ng bayan.” Kung kabataan ang pag-asa ng kinabukasan o ng bayan, hindi ba dapat silang pakinggan? Bakit mas nangingibabaw pa rin ang diskriminasyon sa edad? Dahil ba ang pagsabi ng opinyon sa mga ganitong bagay ay nagpapakita ng hindi paggalang sa nakatatanda o dahil takot silang marinig ang katotohanan?
Pinakagusto ko ay ang parte ng aking umaga. Gigising ako nang hindi alam ang mangyayari sa araw na ito. Sisimulan sa pag-inom ng kape habang nagmamasid sa bintana kasabay ng pagbukas ng radyo para makinig sa balita. Iba’t ibang balita ang aking naririnig. Gusto ko sanang pag-usapan ang bagay na ito kasama ang aking mga magulang ngunit hindi pa man nagsisimula ay tiyak na ang isasagot nila ay, “Noong panahon namin, hindi naman kami nakikialam sa mga isyung ‘yan.” Kailan kaya matatapos ito? Ang paniniwalang hindi dapat bumoses ang kabataan sa mga isyung nangyayari sa ating kapaligiran. Hindi ba’t masarap sa pakiramdam ang makinig sa boses ng isang batang tulad ko?
Iba na ang panahon ngayon, kasabay ng pagsibol ng hangin ay ang pagbabago ng inyong mga nakasanayan. Maaaring sa panahon nila ay hindi nila kayang bumoses sa mga kinakaharap na isyu at sa panahon na ito ay mas marami na ang kabataang pinipiling ipinaglaban ang tama at ang kanilang kinabukasan. Hindi ba’t mas maganda na mayroon na tayong kalayaang ipahayag ang ating saloobin at sabihin ang mga nakikita natin na hindi tama? Hindi ba’t nakapagtataka kung bakit mas pinipili ng mga nakatatanda na igapos ang bibig ng mga bata? Dahil ba takot sila na hindi tayo nagbubulag-bulagan o takot silang lumaya sa nakaraan?
Pinaka-ayaw ko naman ay ang parte ng aking gabi. Kung saan ay kumpleto na ang pamilya at naghahanda na para sa hapunan. Masarap siguro sa pakiramdam kung isa rin ito sa mga bagay na gusto ko. Hindi pa ako nakasusubo ng kanin ay agad na akong tinanong kung kumusta ang pag-aaral ko. Sinabi ko agad na ako ay nahihirapan dahil sa sobrang daming ginagawa sa paaralan. Pagkasabi ko pa lang nito ay tila naging mapait na ang hinihigop na sabaw ng aking pamilya. “Noong panahon namin, wala pa ang ginagawa ninyo sa ginagawa namin. Maaarte lang talaga kayong mga kabataan.” Ayan na naman. Hindi ba pwedeng makaramdam ng pagod at hirap ang kabataan? Mas magaan siguro sa pakiramdam ang maunawaan ang nararamdaman mo. Kailangan ba palaging ikumpara ang nakaraan sa kasalukuyan? Maraming katangunan ang aking puso’t isip na hindi masagot dahil hindi ko maintindihan kung bakit kailangang umayon ang ating paniniwala o pinagdadaanan sa nakaraan nila.
Sa bawat araw ay marami tayong naririnig na ganito subalit ay hindi dapat ito maging hadlang para ipaglaban ang tama at ang ating paniniwala. Hindi porket kaya niyo ay kaya na namin. Hindi porket naging madali sainyo ay madali na rin sa’min at mas lalong hindi porket nakapikit kayo ay nakapikit na rin kami. Ang hindi ninyo naramdaman at hindi naranasan ay pwede naming maramdaman at maranasan. Panahon na para palayain ang kabataan. Hindi palaging tama ang kabataan at hindi rin palaging tama ang mga matatanda. Lahat tayo ay may ibang pananaw sa mga bagay at hindi ito nakababawas sa ating pagrespeto at paggalang bilang isang tao.