May superpowers ba siya?

   ni Abdul Rafi Buludan 


Matapos ang ilang buwan kong pananatili sa loob ng madilim kong kinalalagyan ay dumating na ang pagkakataon na pinakahihintay ng mga maiingay na tinig sa labas. Iminulat ko ang aking mga mata dahil sa labis na liwanag na direktang nakatutok sa akin. Tanging naaninag ko lamang ay ang silweta ng isang pigura na  bago at unang bagay na nasilayan ko sa mundong ito. Marahan akong inilapag ng pigurang iyon sa bisig ng isa pang pigura, bakas sa mukha nito ang pagod at kaligayahan nang una kong masilayan ang kaanyuan nito. Naramdaman ko ang init ng kaniyang halina habang niyayapos ako nang dahan-dahan. Ang init na nagmumula sa kaniya ay hindi nakapapaso bagkus binigyan pa ako nito ng ginhawa sa pakiramdam na nakatulong sa aking muling pagtulog.


Habang tumatagal ay nasisilayan ko na ang makulay na mundo. Nakikita ko mula sa aking kuna ang mga palamuting nakadisenyo sa aking paligid. Lubos ko na ring nasisilayan ang kaanyuan ng pigurang hinagkan ako gamit ang kaniyang mga bisig. Pinagmamasdan ko lamang siya at nagtataka ako kung bakit siya nakakaalis sa isang lokasyon patungo sa aking lokasyon, may superpowers ba siya? Namangha ako sa unang pagkakataon na nagawa ko rin ang ginagawa niya. "Isa, dalawa, tatlo…hakbang" yan ang katagang narinig ko  mula sa pigura, malalakas na tinig ang naririnig nang ako'y humakbang. Ngunit biglang tumahimik ang lahat nang dahil sa 'di inaasahang pagkakataon. Bigla akong natumba na kaagad ko namang sinundan ng malakas ng iyak dahil sa labis na sakit na idinulot nito sa akin. Humahangos at dali-daling "humakbang" ang pigura patungo sa akin. May pulang likido na lumalabas sa aking katawan na naging dahilan para sa pigurang iyon na mataranta. Bakas sa kaniyang mukha ang pag-aalala at hinagkan niya ako nang mahigpit at sinabing "shh tama na aking supling, sakit na iyong nararamdanan ay mawawala rin nang 'di kalaunan". Nakapagtatakang hindi ko na maramdaman ang sakit pagkatapos kong marinig iyon, bakit niya napawi ang sakit na kanina'y hindi ko mainda? May superpowers ba siya? Sa tuwing hinahagkan niya ako'y wala akong maramdaman kundi ang init ng ginhawa.


Ilang taon na ang lumipas, magkasintaas na kami ng pigura. "Nanay" pala ang sinabi niyang itawag ko sa kaniya. Ilang taon na ang dumaan ngunit di pa rin mawala sa aking isipan ang tanong na "may superpowers ba siya?" Sa kadahilanang ilang beses na akong natumba at umiyak ay ilang beses niya ring napapawi ang sakit na nararamdaman ko. Ako ay patuloy na lumalaki at namumulat na sa mundo, unti-unti ko nang nahuhubog ang aking pagkatao at ang aking kamalayan. Marami na rin akong mga luho at kailangan sa buhay na hindi ko pa kayang ibigay sa aking sarili na kayang-kaya ibigay ni nanay dahil sa kaniyang taglay na superpowers. Madalas kong tanungin si nanay kung bakit siya tumatahimik, tanging pagbibiro sabay na ngingiti lang ang kaniyang isinasagot sa akin, ngunit batid ko sa kaniyang mga mata at ang kaniyang pagkalungkot. Nahihirapan na pala siyang tustusan ang aking mga pangangailangan. 


Isang araw, nagising ako sa ingay ng malalakas na yapak sa may hagdanan. Naghahanda na pala si nanay ng kaniyang mga gamit. Tinanong ko siya kung bakit at para saan ang kaniyang pagiimpake ngunit hindi niya ako pinansin kaya sinundan ko na lamang siya at sumalubong sa akin ang 'di kilalang tao. "Mananatili ka muna sa tiya mo, tutungo lang ako sa ibang lugar upang manilbihan at nang may maitustos ako sa iyong pangangailangan." Kaagad kong hinagkan si nanay habang umiiyak at nakikiusap na 'wag nang tumuloy, sinigawan niya ako at sabay na itinulak. Parang gumuho ang mundo ko simula nang araw na iyon. Labis ang sakit na nararamdaman ko ngunit wala akong magawa kundi labanan at tiisin ito, wala na si nanay na may taglay na superpowers upang pawiin ito. Hindi kalaunan ay natanggap ko rin na kailangan niya talagang gawin iyon para sa akin.


Lumipas na ang mga taon at nagbunga naman nang maganda ang pagsisikap ni nanay. Tunay nga ang superpowers na taglay niya at hindi ito matutumbasan ng kahit na ano. Lagi ko pa rin siyang kinakamusta kahit na naibibigay niya na ang aking pangangailangan ngunit bakit ganoon? Hindi pa rin sapat ito, may kulang pa ba? Ngunit sinabi ko sa aking sarili na kailangan kong indahin ang sakit dulot ng pangungulila ko kay nanay, kailangan ko na rin ng superpowers na katulad ng kaniya. Dumating na ang pinakahihintay kong pagkakataon, ang masilayan si nanay ngunit hindi ko makilala ang aking nasilayan. Walang kulay at tila bato ang sumalubong sa akin. Kaagad akong lumapit sa kaniya at niyakap siya nang mahigpit, si nanay pala ay may malubhang karamdam at bilang na lamang ang kaniyang mga natitirang sandali. Labis ang sakit na naramdaman ko matapos kong makita ang kaniyang kalagayan. Sinusubukan kong ilabas ang superpowers ko upang pawiin ko ang sakit ni nanay ngunit wala akong magawa. 


Tanging sakit  na lamang ang namutawi sa aking pakiramdam sa araw ng kaniyang pagkawala at sinisisi ang sarili sapagkat hindi ko nailabas ang aking superpowers. "Paano na ngayon? Wala na si nanay na papawi ng aking sakit na nararamdaman, wala na ang kaniyang taglay na superpowers." Yan na lamang ang huling kataga na aking naitanong sa aking sarili habang isinusulat ito. Natatawa na lamang ako sa aking labintatlong taong gulang na sarili. Ngayon ay matanda na ako at patuloy pa rin na nangungulila sa superpowers ni nanay ngunit masaya dahil may superpowers din ako na papawi sa sakit na nararamdaman ng aking mga anak, "may superpowers ba si tatay?" Luha ay tumulo matapos kong marinig ito.