THS, nakibahagi sa L.A.M.P. 2023
Isinulat ni Jenica Adlawan
Nakibahagi sa Learning Assurance for Monitoring and Progress (L.A.M.P.) ang Mataas na Paaralan ng Tibagan noong Mayo 17, 2023 na nilahukan ng mga piling mag-aaral sa ika-10 baitang mula sa mga pangkat Melchora Aquino, Andres Bonifacio, at Juan Luna. Isinasakatuparan ang L.A.M.P. taon-taon upang masukat ang kaalaman ng mga piling mag-aaral sa espisipikong asignatura.
Isinagawa ito sa ICT Room ng paaralan na pinangunahan nina G. Nathaniel Aromin at Gng. Rowena Manlapaz sa pamamagitan ng paggabay sa mga estudyante sa pag-access sa kani-kanilang Microsoft 365 Account.
Nahati sa tatlong set ang bawat pangkat na kung saan Set A ang pangkat Bonifacio, Set B ang pangkat Aquino, at Set C naman ang pangkat Luna. Bawat set ay binubuo ng anim na estudyanteng may matataas na grado na pinili ng kani-kanilang guro.
Gamit ang NeoLMS, sinagutan ng mga mag-aaral ang mga katanungan sa asignaturang Edukasyon sa Pagpapakatao at Agham na kung saan ang bawat set ay magkaiba ng oras at dami ng mga aytem.
“Akala ko nung una ay mahirap ang magiging katanungan sa test kasi nga pili lang kaming magsasagot nito, pero kinaya naman namin. Para sa akin, napakahalaga talaga ng L.A.M.P para masukat ang knowledge ng mga mag-aaral at kung talagang naunawaan talaga nila ang lessons na itinuturo sakanila. Sa kabuuhan, magandang experience po ito dahil napatunayan namin na may ibubuga ang mga Tibaganians pag dating sa ganitong bagay.” ayon kay Butch Bautista mula sa pangkat Aquino na kumuha ng pagsusulit.