Iginuhit ni Jhyra Marie C. Balungay
Digitalized by Lorene Andrea Bajar
Iginuhit ni Jhyra Marie C. Balungay
Digitalized by Lorene Andrea Bajar
Tech(a) lang muna
Isaiah Sachiko D. Robles
31, 810 katao ang lumagda sa open letter na humihiling ng anim na buwang paghinto sa mabilis na progreso ng Artificial Intelligence (AI), isa na rito ay sina Elon Musk, ang Chief Executive Officer ng Tesla at SpaceX, Steve Wozniak Co-founder ng Apple at Emad Mosaque CEO ng Stability AI. Ang nasabing liham ay inilathala noong Marso 22, 2023 at nagbabala sa mga panganib ng patuloy na pagsasanay sa mga AI systems na mas advanced pa kaysa sa GPT-4, isang AI na may kakayahang gayahin at manipulahin ang boses, bidyo, o sining na ginawa ng isang tao.
Tunay na malaking tulong ang AI sa ating pang araw-araw na pamumuhay, lalo na sa ating mga estudyante. Isang pindot lamang, ang bali-balikong gramatika ay magiging tunog gawang propesyonal. Ang mga kuhang larawan maging ang mga selfie ay nae-enhance at na-e-edit nang walang kahirap-hirap. Ngunit masyadong mabilis ang progreso ng teknolohiya, kahit ang mga manlilikha nito ay natatakot sa posibilidad na magpakalat ito ng maling impormasyon at mawalan ng oportunidad sa trabaho ang mga mamamayan. Tulad na lamang ng pagsikat ng ChatGPT, isang AI chatbot na may kakayahang makipag-usap na ani mo tao. Ngunit dahil ang impormasyong nakukuha ng chatbot na ito ay mula lamang sa internet kaya malaki ang posibilidad na magbigay ito ng maling balita at ilegal na impormasyon.
Maliban dito, laganap din ang tinatawag na AI Art, kung saan ang isang website tulad ng DALL·E 2 ay kumukuha ng mga larawan sa internet at pinag-aaralan ito upang makagawa ng panibagong larawan batay sa kagustuhan ng gagamit. Ngunit, kung ang sinasabing sining ng iba ay hindi tanggap ng siyang mga alagad nito, matatawag nga ba itong sining? Kesyo panlilinlang ito at sumasalungat sa tunay na kahulugan ng paglikha, ay mainit na pinag-uusapan dahil nga madali itong gawin, marami ang tumatangkilik dito kaya ay napapabayaan ang siyang mga nag-aral, nagsanay, at inilaan ang kanilang buong buhay sa sining.
Sa makabagong panahon kung saan ang lahat ay pabago-bago, walang katiyakan, komplikado, at malabo. Ang mga AI sites na ito ay nakatutulong upang mapadali ang mga gawain. Ngunit, ang hindi nakikita ng marami ay kung ilang mga tao ang nawalan ng kanilang mga kabuhayan dahil sa pagsulong ng paggamit ng AI. Matatawag ba itong pag-unlad kung may maiiwan? Tec(a) lang muna katoto, nasaan na ang totoo sa ganitong mundo?