Ka(saysay)an

ni Jayrah C. Valeña


Nakalulungkot, nakaiinis, higit sa lahat ay nakagagalit. Ilang taong nagtiis at nagtimpi ang ating mga ninuno para lumaya. Lumaban at patuloy na nakikibaka kahit pilit na itinutumba at inaangkin ang ating bayan. Maraming bagyo ang nagdaan sa nakaraan na tila ay sabay-sabay ang pagkulog, pagkidlat at pagbaha, mahirap umahon. Subalit paano kung sa kasalukuyan ay tuluyan nang maanod ng baha ang trahedya ng nakaraan? 


Nagising ako dahil sa ingay, gulo at kaliskis. Isa na namang araw para buksan ang mata ng mga taong bayan. Habang nakikinig ng balita ay sinimulan ko na rin ang pag-inom ng kape, naghahanda na para sa pagpasok ng paaralan. Isa akong mamamahayag sa aming paaralan at hindi na bago sa’kin ang patahimikin ako. Kaya mo bang tumahimik sa isang bagay na alam mong pati ikaw ay maaaring maapektuhan? nagsimula ang aming klase at ang unang pahayag ng aking guro ay tungkol sa Martial Law. Ika niya na naging maganda ang dulot nito sa pamumuhay sa nakaraan pero hindi ba’t naging maganda lang ang dulot nito sa mayayaman at may kapangyarihan habang ang mga mahihirap ay tuluyan na nagdusa? 


Isa sa biktima ng Martial Law ang lola’t lolo ko. Isa silang mahirap noong panahon ni Marcos. Lahat sila ay lumuluha na ng dugo upang makalaya sa panahon na ‘yon. Iba’t ibang trahedya ang naranasan nila. Nakapangangamba, nakagagalit at nakatatakot. Lahat ng mahirap noong panahon na iyong ay apektado habang ang mga mayayaman at may kapangyarihan ay walang pake sa mga nangyayari. Sabagay sino ba naman ang magkakaroon ng pake sa mga taong naagrabyado?


Kaya marapat lang na palagi natin tandaan ang trahedyang ito. Hindi tayo makakalimot at habang buhay akong hindi mananahimik tungkol sa bagay na ito. Ang kasaysayan natin ay hindi man lahat maganda subalit isa rin ito sa dahilan kung ano tayo ngayon. Patuloy kong pipiliin ang ating bayan lalo na ang katotohanan.  “Kabataan ang pag-asa ng bayan” ika nga ni José Protacio Rizal. Kaya marapat lang na hindi igapos ang bibig ng kabataan. Kung kalilimutan at ipagsasawalang bahala niyo lang din ang nakaraan, ano pa ang saysay ng kasaysayan kung ang sarili nitong mamamayan ay kinalimutan ang kanilang bayan?