Sibilyan o Uniporme?

Ni Lorica Anne Delos Santos


Bago dumating ang pandemya, hindi mahigpit na kinakailangan pang magsuot ng uniporme sa mga pampublikong paaralan na nakasaad din sa DepEd Order No. 065, s. 2010 upang maiwasan din ang pagkakaroon ng karagdagang gastos sa mga pamilya ng mga mag-aaral. Malaki rin daw ang matitipid kung naka-plain clothes lang mga estudyante. Bagamat marami ang sumasang-ayon dito, marami rin naman ang tumututol. Subalit, ano ba talaga ang nararapat na suotin ng mga mag-aaral? Sibilyan o Uniporme? 


Ayon sa mga magulang na hindi sumasang-ayon dito, mas maganda raw kung panatilihing naka-uniporme ang mga mag-aaral sapagkat nakikita ang kaayusan at pagiging presentable ng isang estudyante. Maganda pang tingnan ang mga mag-aaral kung pare-pareho sila ng suot. Kung sila’y naka-civilian  lamang araw-araw baka mas magastos pa ito kumpara kung naka-uniporme. Kailangang ding mag-produce ng limang plain clothes ang mga magulang o bumili ng mga panibagong damit na kakailanganin sa pampasok araw-araw na maaring mas maging magastos ito. 


Sa kabilang banda, para naman sa mga sumasang-ayon ay mas maganda at komportable raw kung naka-sibilyan na lang. Ngunit may ibang mag-aaral na naakit sa kasuotan ng kanilang kapwa kamag-aral kaya’t may posibilidad na magpabili rin sila sa kanilang mga magulang sa na maaaring mapunta sa mas malaking gastos. Maaari rin magkaroon ng diskriminasyon ang kasuotan sa pagitan ng mga mayaman na estudyante sa mas mababang katayuan ng ibang estudyante.


Sana ay panatilihin na lang ang school uniform sa mga mag-aaral. Maayos silang tingnan kung naka-uniporme at madali rin silang makikilala. Huwag nang baguhin ang patakaran ukol sa school uniform. Mas maganda kung naka-proper school attire ang mga mag-aaral sapagkat ito’y pagpapakita ng respeto sa institusyon at pagkakakilanlan ng mga mag-aaral sa isang tiyak na paaralan o lokasyon. Ang paaralan ay dapat binibigyang galang sapagkat dito nag-uugat ang karunungan.