Soiree, nagningning sa Tibagan High School

 Ni Abdul Rafi Buludan


     Muling idinaos ang JS Prom o Soiree 2023 sa Mataas na Paaralan ng Tibagan na may titulong "Soireé 2023" na may temang "Hollywood Glam" noong ika-lima ng Mayo 2023 sa ganap na ika-4 hanggang ika-10 ng gabi sa THS Grounds na dinaluhan ng mga mag-aaral sa ikasiyam at ikasampung baitang kabilang ang mga guro at kawani ng paaralan sa pangunguna ng mga tagapagdaloy ng programa na sina G. Ramon Michael Renzales at Gng. Maria Paz Teodocio.


Ang Soiree ayon sa Merriam Webster Dictionary ay nangangahulugang, "a party or reception held in the evening". Ang programa ay dinaluhan ng mga ikasiyam at ikasampung baitang kasama ang mga guro ng Tibagan High School (THS). Pinangunahan ito ni Gng. Eden F. Samadan, ang punong guro ng THS at ni Ramon Franco de Vera, ang chairman ng Soiree 2023 mula sa grade nine council katuwang ang mga itinalagang mga komite para sa programa.


Matapos ang mahabang panahon na hindi paggunita ng JS prom ay matagumpay itong muling isinagawa na naglalayong bigyan ng karanasan na mababaon ang bawat isa at ng pagkakataon para sa mga mag-aaral ng THS na linangin ang pakikipagkapwa gayundin ang higit na pagkilala sa bawat isa.


  Opisyal na sinimulan ang programa sa paglakad ng mga mag-aaral at mga guro sa red carpet na sinundan ng pag-awit ng Lupang Hinirang. Pinangunahan naman ni Gng. Eden F. Samadan ang pambungad na pananalita. Tanging tinig ng mga mag-aaral ang maririnig matapos simulan ang candle lighting habang inaawit ang batch song na "Awit ng Barkada". Malalakas na hiyawan at palakpakan naman ang sumalubong sa mga cotillioners na magtatanghal ng Cotillion de Honor na kanilang matagumpay na naitanghal dahil sa gabay sa paghahanda na pinangunahan ng kanilang choreographer na si G. Severo Ancheta. 


    Matapos ang pagtatanghal ay sinimulan nang papilahin ang mga mag-aaral dala ang kanilang food stub sa buffet area na inihanda ng RYR Catering and Event Management (RYRCEM). Sa kabilang dako naman ng THS grounds ay nakapuwesto ang photo booth na bukas para sa lahat, kinakailangan lamang na maipakita ang photo booth stub para magpakuha ng litrato. Nang matapos na ito ay pormal ng sinimulan ang carnet dance kasunod ang social dance na nagpaindak sa lahat.


     Sumapit na ang pinakahihintay ng lahat, ang pagkilala sa mga natatanging mag-aaral at mga guro na nagpamalas ng kanilang kahusayan at paghahanda ng kanilang kasuotan. Hinirang na Prom King at Queen sina Jhon Michael Martin at Zhamia Gatpayat, sina Keisha Taduran at Ezekiel Pagco naman ang Prom Princess at Prince. Nagsilbi namang mukha ng LGBTQ+ si Aldrean Alvior nang matamo niya ang Butterfly award. Dahil naman sa kahusayan sa pagtatanghal ay nanalo bilang Best Cotillioners sina Dexter Patanao at Christine Cimena. Hindi naman magpapahuli ang mga gurong sina Ramon Franco de Vera at Eloisa Batenga nang makamit nila ang karangalan bilang Star of the Night para sa gabing iyon. 


      Hindi naman matatawaran ang Just About Memory Photography sa kanilang ipinamalas na kahusayan sa pag-edit ng video sa mismong araw na iyon na ipinakita sa malaking screen upang mapanood ng lahat. Malalakas na hiyawan naman ang sumunod matapos sinimulang patugtugin ng RYRCEM ang mga awiting nagpayanig sa THS grounds na tumapos sa gabing iyon.