Peligro o Kalayaan
ni Sybel Fabillo
Sinang-ayunan na ni Philippine President Ferdinand Bongbong Marcos Jr. na lagyan ng wakas ang sapilitang pagsusuot ng face mask outdoors sa bansang Pilipinas. Sa isang pahayag ng Department of Health (DOH) ukol sa muling pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa ay nakitang hindi kailangan na muling ipatupad ang mandatory o sapilitang pagsusuot ng face mask na tuntunin. Subalit, ano nga ba ang iyong pipiliin? Peligro o kalayaan?
Ang patakarang ito ay nilagdaan ng Pangulo noong Biyernes, ika-28 ng Oktubre, taong kasalukuyan. “Ang isang patakaran ng boluntaryong pagsusuot ng mga face mask sa parehong panloob at panlabas na lugar ay isang positibong hakbang tungo sa normalisasyon, at isang malugod na pag-unlad na maghihikayat sa mga aktibidad at magpapalakas ng mga pagsisikap tungo sa ganap na muling pagtaas ng ekonomiya,” aniya ng Pangulo.
Ayon kay Interior Secretary Benhur Abalos, ang Myanmar at Pilipinas ay ang pinakahuling bansa sa Timog-Silangang Asya na nagtatag nito. “Ipinakita ng isang pag-aaral na ang pagtanggal sa mandatory requirement sa ibang mga bansa ay hindi nauwi sa nakakaalarmang upsurge ng mga impeksyon.” Hindi raw dapat mabahala ang publiko sa pagtaas ng mga kaso dahil hindi naman daw kasing-taas ang mga kaso kumpara sa nakaraang mga taon ng pandemya. Ang pagbabalik muli ng tuntunin sa facemask ay isang maagap na pagtugon upang mabawasan ang dumadaming bilang ng mga kaso ng COVID sa lungsod.
Hinggil naman sa patakarang ito ay ninanais pa rin ng ibang mga Pilipino na ituloy ang mandatory na pagsusuot ng face mask saan mang lugar. Dagdag nila na mas maganda umano kung tuloy pa rin ang pagsusuot ng face mask lalo sa lugar na maraming tao o maski sa opisina. Mabuti nang nakakasiguro. Kailangan ay may proteksyon. Sinabi ng iba na kailangan ugaliin ang iba pang safety protocol para mabawasan ang paghawa ng COVID-19 kasabay ng pagsusuot ng face mask. Kailangan pa ring gawin ang social distancing at magpabakuna, mungkahi naman ng iba. Subalit maraming residente lalo na ang mahihirap ang nagsabing kailangang magbigay ang lokal na gobyerno ng suporta at magbigay ng libreng face mask, lalo na sa mga mahihirap na may iba pang bayarin.
Isa sa pinakamatinding tinamaan ng coronavirus outbreaks sa Timog-Silangang Asya ay ang Pilipinas na nagpatupad ng isa sa pinakamahabang lockdown sa buong mundo, na sanhi ng pinakamalalang economic recession sa nakalipas na mga dekada at pinalala ang kahirapan, kagutuman at kawalan ng trabaho.
Matagal na at marami na tayong karanasan sa COVID-19 na ito, na pabalik-balik at papalit-palit ang mga variants, na kung saan sa kaunting pagpapabaya ay muling dumarami ang nagiging biktima. Ang mahalaga ngayon ay maagapan ito bago lalong kumalat at nawa’y mas alam na ng gobyerno at mga kinauukulang mga ahensiya ang tama at mabilis na pagtugon dito.