Bawat Daan

ni Reign Nicole Garcia


Kada araw na dumaraan, kada gabi na lumilipas, sari-sariling gawi’t sistema ang nakasanayan ng bawat isa. Handa ka ba muling sumabak sa bagay na minsan nang ika’y nabigo? Minsan na rin akong naligaw ng landas at lumisan. Hahayaan ko pa ba na mawala ang aking nasimulan?


Hindi ko alam paano magsisimula at mas lalong hindi ko alam kung paano magtatapos. Isa lang ang sigurado ako. Napakahirap isipin kung anong landas nga ba ang tatahakin. Kung kakaliwa ba o kakanan pero parang mas magandang dumiretso na lang. Subalit, sa pagtahak ko sa daang ito ay hindi pala patag at diretso. May mga araw na ito ay malubak, maputik, at tila ayaw magpadaan. Kahit anong lakad ko tila ay wala akong patutunguhan. Para akong tumaya sa bagay na walang kasiguraduhan na makalalabas ako sa daan na ito na may sumasalubong na liwanag. Habang naglalakad sa daang ito ay hindi ko maiwasang maalala ang nakaraan. Dati ko na rin itong tinahak. Ang kaibahan lang ay tinakbuhan ko at tuluyang nilisan ito. Hindi ko kinaya, ako mismo ang nawala. Ang hirap pala ibalik ang sarili kapag ito ang iyong nawala. 


Eto na ang pinaka kinatatakutan ko, ang pagbagyo. Para akong tatangayin sa lakas ng hangin. Ramdam ko na ang abo na dala ng hangin, nakakapuwing. Tila isa itong paraan upang wala akong makita. Ramdam ko na rin ang pagtaas ng baha sa ilog. Bagamat, hindi ako nagpatinag. Kumuha ako ng kahoy na magsisilbing lakas ko. Ginamit ko ito para sa aking patuloy na paglakad. Bagkus, napagod ako. Pero hindi ito magiging hadlang sa aking paglaban. Sa pangalawang pagkakataon, imbis na lumisan ay mas pinili ko munang huminto sa isang tabi at magpahinga. Kinabukasan ay maayos na ang kalikasan. Ang ganda ng mga ulap. Sakto lang ang hangin, napaka sarap sa pakiramdam at dito ko na muli ipinagpatuloy ang aking paglakbay. Sa mga ihip ng problema na nakatatangay at mga bundok bundok na pagsubok, hindi ako nagpadala. Hindi dahil takot akong malamon nito bagamat ay takot akong muling mawala. 


Sa pagdaan ng panahon, mga sugat ay patuloy na naghihilom. Ang bakas ng kahapon ay hindi mawawala subalit ay magiging dahilan ito ng pagbangon. Haharapin ang bagong umaga hanggang sa paglubog ng araw. Sa Kabila ng kirot, pagbaha, at bagyong kinakaharap habang tinatahak ang daang ito ay muli pa ring sumibol ang hangin at kulay ng pag-asa. Muli akong ngumiti, “Nahanap din kita.” kay tagal kong naghintay. Ako pala ang dulo gitna’t simula. Hinding hindi na muli ako lilisan.