Kumikinang-ina
Isinulat nina Gwyneth Bustos, Via Camposano, at Isaiah Robles
Musmos pa lamang ako ay naikwento na sa akin ng aking ina na kapag pumanaw ang isang tao, ang kaluluwa nito ay mapabibilang sa isa sa mga bituin sa kalawakan. Tila mahirap paniwalaan, ngunit ito na aking nakagisnan, dahil si ina ay tama at mapagkatitiwalaan.
Dinig ang hampas ng alon sa tabing dagat kasabay ng simoy ng hangin na yumayapos sa aking balat. Habang talukap ng mata ko’y nakapikit, alaala ng nakaraan ay muling bumabalik. Ang kaniyang mga paalala na puno ng kalinga at kaniyang mga pagalit na hindi ko inaakalang aking hahanap-hanapin. Tunay nga ang ika nila, hindi mo mapagtatanto ang halaga ng isang tao hanggat siya'y nariyan pa.
Huminto ang oras, sa kaniyang paglisan tila ako’y naiwan sa panahon kung saan siya’y nasa aming higaan, dama ang lumalagablab na pagmamahal na sa kaniya ko lang mararanasan. Ang aking kamay ay dahan-dahang hinahawakan ang kaniyang makalyong kamay, kinakabisado ang bawat linya na tanda ng kaniyang wagas na pagtatrabaho.
Ngunit ako’y nagising sa panaginip na ayaw lisanin muling mag-isa at nangungulila sa isang sulok, baon ang akap na hindi na mararanasan at ngiting 'di na muling masisilayan. Patuloy ang pag-agos ng luhang puno ng lumbay, aking katawan ay nanlalamig hinihiling maramdaman muli ang kaniyang init.
Ang paglubog ng araw ang siyang senyas upang sumulyap sa ngumingiting langit. Aking pag-iisa ay siyang pinunan ng mga bituin na kumikinang habang iniisip na ito'y si ina na niyayakap ako nang mahigpit.