Panganib ng E-cigarette at Sigarilyo:
Isang Malaking Suliranin sa Kalusugan
Ni Allisandra Ysabelle Gonzales
Sa kasalukuyang panahon, patuloy na lumalaganap ang paggamit ng E-cigarette at sigarilyo sa ating lipunan. Ito ay nagiging isang malaking hamon sa kalusugan ng bawat indibidwal, lalo na ang mga kabataan. Sa kabila ng mga karapatan at personal na kalayaan, hindi natin dapat ipag sa walang-bahala ang mga panganib ng paggamit ng mga produktong ito. Kaya, isang malaking suliranin nga ba ito sa kalusugan?
Ang E-cigarette na kilala bilang alternatibo sa nakasanayang tradisyunal na sigarilyo at kinagigiliwan ng karamihan ay nagtataglay din ng mga kemikal na mayroon sa regular na sigarilyo. Bagama't ipinapahayag ng karamihan na mas ligtas ang paggamit ng e-cigarette kaysa sa tradisyonal na sigarilyo, malinaw na ito'y walang katiyakan. Ayon sa mga pag-aaral, ang e-cigarette ay naglalaman ng mga kemikal na nicotine na maaaring magdulot ng masamang epekto sa ating baga, puso, at iba pang bahagi ng katawan.
Ang paggamit ng sigarilyo ay hindi lamang delikado sa mga gumagamit kung 'di sa mga taong nakapaligid rito. Sa bawat pag buga ng usok na tinatawag din second hand smoke na maaring malanghap ng sinomang nakapaligid ay makaka apekto sa kalusugan nito.
Sa kabila ng mga ito, hindi pa rin natin maikakaila ang katotohanan na marami sa ating mga kababayan ang nahuhumaling sa sigarilyo at e-cigarette. Upang malabanan ang suliraning ito, mahalagang magkaroon ng sapat na kaalaman tungkol sa mga panganib na kaakibat ng paggamit ng mga produktong ito. Ang pangangaral sa mga kabataan at sa sambayanan tungkol sa masamang epekto ng e-cigarette at sigarilyo ay isang mahalagang tungkulin na nararapat nating paigtingin.