Amór ng isang Ima

ni Brisias Labuson


Kanilang pag-ibig ay natatangi at nag-iisa sapagkat madalas na kanilang naipapahayag na hindi karaniwan sa iba. Lahat ay gagawin nila para sa ikabubuti ng kanilang pamilya. Pagmamahal nila'y walang kapantay, sa buhay natin sila ang kaagapay. Ang kanilang puso ay puno ng pag-unawa sa atin, sila'y likas na mapagpasensya. Sila ang nagbigay sa atin ng buhay, kanilang pagmamahal sa atin ay totoo at tunay. Sila ang nagbibigay ng kulay sa mga panahong tayo ay nalulumbay. Ang taong laging handang makinig sa atin at intindihin ang pinagdadaanan natin. Hindi napapagod magbigay ng payo kahit minsan hindi sinusunod ang mga ito, sapagkat ating paniniwala ay baluktok sa kanilang kagustuhan. Lagi silang handang makinig sa atin, unawain ang ating mga paghihirap at magbigay ng lakas ng loob. 


“Papunta ka pa lang, pabalik na ako!” palagiang linyahan nila kapag tayo ay maalam na kaysa sa kanila pero kanila sinasabi ito upang makinig  lamang tayo sa kanilang payo. Ayaw lamang nila na magkamali tayo at maligaw ng landas na tatahakin. Minsan ma'y sila'y nagagalit at ang mga salitang binibitawan ay nakasasakit sa ating puso, ngunit ito ay para sa atin kaya dapat natin siyang iintindihin. 


Kapag tayo ay may bagay na gusto, kaniyang ibibigay ang mga ito, huwag ka lang magtatampo dahil tanging hangad niya'y kaligayahan natin. Ang iba man ay nagkakaroon ng agam-agam sa kakayahan na meron ka ngunit siya ay naiiba sa kanila, dahil sayo siya'y may tiwala at susuportahan ka sa lahat ng bagay. Ating pangangailangan ay laging ibibigay sapagkat sila'y madaling lapitan at laging makakapitan. 


Iyan ang pag-ibig ng isang ina, ang pag-ibig na kailanman ay hindi masusukat at hindi kayang tumbasan nino man. 

“Walang inang hindi napapagod. Napapagod ako. Pero kinakaya ko. Hindi dahil obligasyon ko ‘yun kundi dahil mahal ko kayo.” —Ina Montecillo, Ang Tanging Ina.