KONTRA?Ceptives
Isinulat ni Aryz Naiyz Aloba
Iwas o buntis? Talaga nga bang nakatutulong ang paggamit ng contraceptives upang mapigilan ang pagbubuntis? Ano ang say ng mga Noypi sa ganitong uri ng usapin kung nakalubog ang kanilang mga paa sa konserbatibong kultura at paniniwala? Dahil sa ganitong sitwasyon, hindi pa rin talaga bukas ang isipan at hindi komportable ang mga katoto ni Juan sa usapin ng sex at ng contraceptives. Sa parami nang paraming kaso ng sexually transmitted diseases (STD’s) at palobo nang palobong popolasyon ng Pilipinas, ano ang stand ng mga Noypi sa contraceptives? Kokontrahin, babalangkasin, o susubukin?
Maraming uri ng contraceptives ang readily available na mabibili sa mga botika, tulad ng mga condom, contraceptives pills, injectable, IUD o Intrauterine Device at marami pang iba. Noong taong 2017, inulat ng MIMS o Monthly Index of Medical Specialties na 30% sa populasyon ng Pilipinas ang gumagamit nito. Ayon sa Global Condom Working Group, “Ang mga condom ay isang paraan na kontrolado ng gumagamit, hindi nangangailangan ng mga reseta medikal o direktang probisyon ng mga tauhan ng pangangalagang pangkalusugan o sa mga pasilidad at maaaring gamitin ng sinumang aktibo sa pakikipagtalik—kabilang ang mga kabataan."
Batay sa Responsible Parenthood and Reproductive Health (RPRH) Act of 2012, ang mga kababaihan, lalo ang mga mahihirap ay kailangang may access sa reproductive health information at services: “Recognizes the right of Filipinos to decide freely and responsibly on their desired number and spacing of children.” Nasa anim na milyong babae sa Pilipinas—kasama ang dalawang milyong mahihirap—ang ngayon ay makakukuha na ng libreng contraception. Ayon sa programang pinirmahan ni Dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi na maitatangging dumarami at patuloy na lumalaganap sa mga kabataan ng premarital sex. Ito ay bunsod na rin ng impluwensya ng social media at mga pornography sites na napakadaling ma-access ng isang kabataang nababalahaw sa kung ano ang nilalaman at pakiramdam nito. Dahil dito, hindi rin maitatanggi ang tawag ng laman ng mga mapupusok na mga kabataan, ni wala man lang kaalaman-alam ang iba sa magiging epekto nito sa kanilang kalusugan at kinabukasan. Ang ganitong kapusukan ay kadalasang nagdudulot ng maagang pagbubuntis at pagkakaroon ng mga STD’s. Ayon sa The HIV/AIDS & Art Registry of the Philippines report nitong January 2023, “1,365 of the new HIV cases were acquired through sexual contact -- 998 of them were males who reported having sex with another male, 193 were males having sex with females and 240 were males with sexual relations with both males and females.” Isang ulat naman ang nagmula sa United Nations kung saan isinasaad na ang Pilipinas ang nangungunang bansa sa ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) na may pinakamataas na rate ng teenage pregnancy.
Ano ba ang kahalagahan ng contraceptives sa mga kabataan ni Juan? Sa kasalukuyan, ang mga contraceptives ay may mahalagang papel sa lipunan sapagkat ang mga ito ay nakatutulong upang mabawasan ang bilang ng teenage pregnancy. Subalit, dapat nating baguhin ang ating kaisipan patungkol sa ganitong mga usapin at para mamulat ang kultura ng mga Pilipino sa pagkakaroon ng stigma sa mga taong gumagamit nito. Gayunpaman, huwag dapat gawing rason ang pagkakaroon ng contraceptives upang makipagtalik sa kung kani-kanino lamang. Sumakatuwid, ang ganitong usapin ay hindi magwawakas kung manatitiling sarado ang isipan ng mga katoto ni Juan. Wala man lunas sa kalibugan, pero meron namang hakbang patungo sa bukas na isipan.