Butch Bautista, nahalal na ingat-yaman sa FESGOM
Isinulat nina Allisandra Ysabelle Gonzales at Brisias Labuson
Ika-27 araw ng Setyembre 2022 nang maihalal ang presidente ng Supreme Student Government ng Mataas na Paaralan ng Tibagan na si Butch Bautista bilang Ingat-yaman ng Federation of Student Government of Makati na ginanap sa School Division Office ng Makati.
Itinataguyod ang FESGOM para sa pagtitipon ng mga pangulo ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan upang mabigyan sila ng plataporma para ipahayag ang kanilang mga alalahanin at mga hinaing.
Ayon kay Bautista, mahalaga na magkaroon ng kinatawan ang paaralan sa FESGOM upang makilala pa ang husay ng mga mag-aaral sa THS at upang maging maalam sa mga bagay at napapanahong mga kaganapan. Dagdag pa niya, bilang siya ay nahalal bilang ingat-yaman, makatutulong siya sa pamamagitan ng pagiging aktibo sa pagbibigay ng ideya at sa pangangalaga sa yaman ng FESGOM.
Kabilang sa mga kasamahan ni Bautista na nahalal sa FESGOM ay si Lee Ramses Ibañez bilang Presidente, na nagmula sa Mataas na Paaralan ng Makati Science. Si Solomon Brent M. Oamil, mula sa Nemesio I. Yabut SHS, ay nahalal bilang Bise-Presidente. Ang iba pang nahalal sa iba't ibang posisyon sa FESGOM ay kinabibilangan nina Jeanel Asia A. Dimayuga bilang Kalihim, Reina Alfiera Labsan Buenaventura bilang Auditor mula sa Mataas na Paaralan ng Pitogo, Jana Quisha G. Salamatin bilang Public Information Officer mula sa Mataas na Paaralan ni Benigno Ninoy Aquino, at John Paulo N. Jovellanos bilang ang Protocol o Peace Officer mula sa Maximo Estrella SHS.
Inaasahang higit na bubuo ng plataporma ang mga nahalal na kinatawan upang mabigyang-daan na maipahayag ang mga pangangailangan at isyu ng kani-kanilang paaralan.