Hindi iningatan ang mahalagang bagay na makasaysayan

Ni Yvette Vitero

                                   

Nagkaroon ng sunog sa 95-anyos na gusaling nilikha ng mga sikat na arkitektong sina Ralph Doane, Tomas Mapua at Juan Arellano na tinawag na Manila Central Post Office. Umabot ng 30 oras bago ganap na maapula ang apoy. Napinsala na ito noong World War ll nang tamaan ng bomba ngunit muli itong inayos at naibalik sa dating anyo. Maraming kababayan natin ngayon ang nanghihinayang sa napabayaang Manila Central Post Office o mas kilala bilang Post Office Building


Malaking kawalan ang pagkasunog ng Post Office Building. Maraming natupok na mahahalagang dokumento, sulat, paintings, at national IDs. Kapabayaan ang nakitang dahilan kaya nangyari ang sunog sa Central Post Office. Kapansin-pansin na hindi ito iningatan at hindi  nagawang lagyan ng sprinkler at air ventillation para proteksyon sa sunog. Wala rin umanong mga gamit para sa emergency. Naging tambayan na rin ang harapan ng gusali ng mga nakaparadang pampasaherong bus, may mga basurang nagkalat at iba pa na hindi magandang tingnan para sa gusali. Samantala sa Senado, ilang mambabatas ang nagpahayag na kailangan ang agarang restoration ng nasunog na gusali


Kung maaayos at maibabalik sa dating anyo ang nasunog na gusali, sana'y lubos na itong pag-ingatan sapagkat ang Manila Central Post Office ay hindi gusali lamang, ito ay makasaysayang lugar. Para sa ating mga Pilipino, ito ay isa sa ating national treasure.