Poster Making Contest kaugnay sa Gender and Development, isinagawa

 Nina Jyhra Marie C. Balungay, Maria Elena C. Castro, Trixy Gabriel J. Garcia

 

Matagumpay na naisakatuparan ang paligsahan sa paggawa ng poster kaugnay ng programa sa Gender and Development (GAD) ng Mataas na Paaralan ng Tibagan noong ika-29 ng Nobyembre 2022 sa pangunguna ni Dr. Joel L. Zamora, Head Teacher III, Focal Person ng GAD sa paaralan.


Ayon kay Dr. Zamora, kaagapay ng mga paaralan sa pagsasakatuparan nito ay ang Commision of Human Rights (CHR) na nangangalaga sa karapatang pantao ng bawat Pilipino, at ang DepEd Makati bilang institusyong pang-edukasyon na nangangasiwa sa Tibagan High School.


Ang Gender and Development ay konektado rin sa programa, kung saan mas pinalawak pa nito ang kaisipan ng bawat mag-aaral kung ano ang mga simbolo, kinakailangang gawin, upang mabigay ang mensahe ng nakapaloob sa ginawang poster.    


Ipinunto ni Dr. Zamora ang kahalagahan ng pagkakaroon ng ganitong programang-pangkasarian sa paaralan. Ito ay magbubukas sa isipan ng bawat mag-aaral, maging mga guro, at kawani ng paaralan kung ano ang mga dapat nilang mamasahin bilang isang nilalang. Ipapakita nito kung ano ang mga pangunahing karapatan ng bawat isa, at kung papaano nila ipaglalaban ang kanilang mga karapatan sa gitna ng mga sitwasyon na sila ay inaabuso at inaapi.


"Unang-una, dahil nga iba na rin ang panahon natin ngayon, at maraming karahasang nagaganap lalo na sa mga kababaihan. Ang Gender and Development program ay siyang mas magbibigay ng mas malalim na pananaw sa bawat mag-aaral kung ano ang kanilang dapat na tandaan at ang dapat nilang kaparaan para pangalagaan pa ang kanilang mga karapatan lalo na sa gitna ng mga karahasang ito.” aniya.


Dagdag pa nito, “Bukod sa paligsahan sa Poster Making Contest ay magkakaroon pa ng mga karagdagang seminar o pagsasanay sa mga mag-aaral at guro upang higit pang maunawaan ang katuturan ng GAD sa paaralan, sapagkat kung titignang mabuti ay malawak ang mga polisiyang pinaiiral sa ilalim ng Gender and Development.”


Karamihan sa kabataan ang nakararanas ng pang-aapi mula sa kanilang kapwa mag-aaral. Ayon sa DepEd, mayroong kabuuang 264,668 na kaso ng physical bullying sa mga paaralan, 7,800 na kaso naman ay tungkol sa gender-based bullying. Tiyak na makatutulong ang programang Gender and Development ng paaralan, upang maging lingid at batid ang lahat ng mga estudyante at mga kasapi ng ating lipunan.