Iginuhit ni Maria Elena Castro
Digitalized by Jillianerish Balmaceda
Iginuhit ni Maria Elena Castro
Digitalized by Jillianerish Balmaceda
Nakakabanas na lunas para sa sibuyas
Isinulat ni Abdul Rafi Buludan
Bakas sa mga mukha ng karamihan ang kanilang pagkadismaya sa kanilang mga butas na bulsa dahil sa patuloy na paglobo ng presyo ng sibuyas. Sino ba naman ang hindi maiiyak sa ganitong kalagayan? Lalo na at mas mataas na ang presyo ng sibuyas kaysa karne. Kakulangan nga daw sa suplay ang sinasabing problema, kakulangan nga ba talaga sa suplay ang tunay na dahilan o nakukulangan lang sila sa kanilang maibubulsa?
Nakapagtataka talaga ang biglang paglobo ng presyo ng sibuyas samantalang ang bansa ay patuloy pa rin sa pag-aangkat ng mga produkto sa ibang bansa. Ayon kay spokesman Rex Estoperez ng Department of Agriculture (DA) ay nararapat na mag-angkat ng 22,000 metric tons ng sibuyas upang mapunan ang suplay sa bansa. Pag-aangkat na lang ba talaga ang tanging lunas? Hindi ba nila iniisip ang kapakanan ng mga maaaring maapektuhan sa kanilang balak na gawin? Lalo na at apektado ang karamihan dito lalo na ang kabuhayan ng mga lokal na magsasakang Pilipino.
Nakalulungkot isipin na laging talo ang mga Pilipino pagdating sa pamamahala ng daloy ng ekonomiya partikular na sa sakop ng sektor ng agrikultura. Nakakabanas ang itinuturing nilang "problema" tungkol sa pagtaas ng presyo ng sibuyas samantalang ang bansang Pilipinas ay sagana sa malalawak na sakahan ngunit kinukulang pa rin sa suplay, kaya mahirap tanggapin ang dahilan na nauubusan tayo ng suplay. Sadyang marami lamang ang mapagsamantala kaya marami ang naaabala.
Gaya ng sibuyas, pagpapaiyak na lamang ba ang tanging maidudulot ng pamahalaan sa mga mamamayan nito? Nakakabanas na talaga ang lunas na naiisip nila. Sana ay hindi na nila ituloy ang nakakabanas nilang lunas para sa sibuyas.