Pa(hinga)

Hali ni Amay

ni Brisias Labuson


Hindi biro ang maging isang ama na isang haligi ng tahanan sa pamilya. Pamilyang kanyang itinataguyod sa abot ng makakaya. Ako si Fernando, isang Delivery Rider. Sa aking pamilya, nakagawian ko na ang pagpapahinga pagkatapos ng isang mahabang araw na pakikipagsapalaran sa kalsada at maki-baka sa trabaho upang maitaguyod ang pamilya. Tuwing ako ay umuuwi, ang pahinga ko ay makasama sila at iyon ay mahalaga sapagkat kanila’y napapakalma ang aking puso’t isipan tuwing ako'y napapagod at wala nang makapitan. Nahahanap ko ang kapayapaan sa kanilang mga halakhak at ngiti. Puwedeng mapagod ang isang amang katulad ko ngunit hindi maaaring bumitaw. ‘Wag sanang umabot sa puntong pati ako na kanilang kinakapitan ay sumuko dahil sila ang dahilan kung bakit ako lumalaban. 


Sa kanila ako nakakukuha ng kalakasan na magsipag sa pagta-trabaho bilang isang haligi ng tahanan, kahit gaano pa ito kahirap basta't makita lamang sila na komportable at walang iniisip ay masaya na ang isang amang katulad ko. Sila ang aking pahinga at hindi magbabago iyon dahil sila ang pamilya ko. Nagsisilbing liwanag na dulot ng buwan at mga bituin, pinaparamdam nito na hindi ako nag-iisa. Sa abot nang aking makakaya ay tumutulong ako sa aking mga anak sa gawaing bahay ngunit sila'y aking hinihikayat na matuto at umunlad sa pamamagitan ng pagtayo sa kanilang mga sariling paa. 


Sa araw-araw na pagpapaalala sa akin ng mundo na mahirap ang aking responsibilidad, hindi ko makalilimutan ang mga linyang ‘to “Salamat papa, ikaw ang aking pahinga sa mga oras na ako'y nalulumbay na at hinda na nakakadarama ng pag-asa."