Iisang palikuran para sa lahat ng kasarian
Isinulat ni Jayrah C. Valeña
Araw na naman ng pasukan, nagising ako upang ihanda ang aking mga gagamitin sa pagpasok sa Tibagan High School. Inayos ko ang aking mahabang buhok pati na ang aking uniporme. Naisip ko na maglagay ng kaunting kolorete sa aking mukha ngunit naalala ko nga pala ang palatuntunan ng paaralan na bawal ang paglalagay nito kaya isinantabi mo muna ito. Tumingin ako sa salamin at sinuot na ang aking uniporme noong una'y hindi ako komportable sa pagsusuot nito ngunit kalaunan ay hinayaan ko na lamang at nagpatuloy na ako sa pagpasok. Narating ko na ang paaralan, gaya ng dati puno na ito ng mga mag-aaral, sinabihan ako na ang linya ng 10-Mariposa ay nasa tabi ng cafeteria ng school. Nag-aalinlangan akong pumila sa pila ng mga lalaki sapagkat hindi ko kinikilala ang aking sarili bilang isang lalaki, nawala naman ang aking pag aalinlangan ng tinawag ako ng aking mga kaibigan sa pila. "Hoy bestie!! Magkaklase na naman tayo" sumagot ako ng "Oo nga eh, ganda mo naman" sumagot siya ng "Tigilan mo ko beh, tingnan mo nga yang buhok mo ang haba na. Bagay sayo!!!" Nagtatawanan lang kami nang nagtatawanan habang nakapila nang biglang lumapit ang isang kapwa namin mag-aaral. "Bakit mahaba ang buhok mo? Hindi ba lalaki ka?" nagtitinginan lang kami ng aking mga kaibigan at naisip ko kaagad na ito ang pinakainiiwasan ko na mangyari, ang mapuna dahil sa aking pisikal na kaanyuan. Hindi na lamang namin ito pinansin at pumila na lamang kami sa kung saan kami napapabilang.
Oras na para pumasok kami sa aming mga silid-aralan nang biglang napansin ng isang guro ang aming mga buhok, pinatigil kami nito at kinausap. Sinabi niya na kailangan daw namin na magpagupit ng buhok o sila ang gugupit nito, tahimik lang ako habang sumasang-ayon ngunit hindi ko matanggap na pati buhok ko ay mapapansin. Nagpatuloy na kami sa aming klase habang nasa kalagitnaan ng aming talakayan ay nakaramdam ako ng pagkaihi kaya nagpaalaam ako sa guro upang pumunta sa palikuran. Nag-aalangan na naman ako sa pagpili ng papasukang palikuran, matagal akong nag-isip habang pinipigilan ang aking ihi 'di rin nagtagal ay mas pinili ko na lang ang palikuran na para sa mga babae. Dumiretso agad ako nang walang alinlangan sapagkat 'di ko na talaga kayang pigilan ito nang ako'y matapos na ay nakita ako ng ibang mga mag-aaral. "Ano ba yan, bakit ba dito nag-ccr yang baklang yan", luha ay tumulo matapos marinig ang mga salitang iyon ngunit hinayaan ko na lamang ulit kase wala naman akong mapapala.
Dumaan ang maraming buwan at paulit-ulit ko na lamang na hinayaan nang hinayaan ang mga ito. Nagpagupit na ako ng aking buhok upang masunod ang alituntunin ng paaralan. Inaayos ko na rin ang aking pagsasalita at pagkilos na naaayon sa aking kasarian upang maiwasan na ang mga komento galing sa ibang tao ngunit 'di ko pa rin maiwasan na iwasan ang kumilos at magpadala sa aking nararamdaman kaya may mga pagkakataong may nakapupuna sa akin. Isang kaklase ko ang pumuna na naman sa akin sa paraan na sobrang napuno na ako at pumatol. Nagkaroon ng sigawan sa aming pag-uusap na nagdulot ng gulo sa loob ng palikuran. Sa mga pagkakataong iyon ay nag-iikot ang SSG president na si Liwayway Agusan, pumasok sa siya at inawat kami "ano ang nangyayari dito?" tanong niya. Sumagot ako nang "Hindi ko na po kasi kinaya ang mga pamumuna na aking natatanggap eh lalong lalo na sa pagpasok dito sa palikuran, hindi ko naman intensyon na takutin ang mga tao dito nais ko lang na sundin kung ano ang nais ng aking puso at kung paano ko kinikilala ang aking sarili." sumagot si Liwayway at tinanong ako kung ano ba ang nais kong gawin para masolusyonan ito at sinabi kong "Hindi ko kailangan ng solusyon ang nais ko lang ay matanggap sana ako bilang isang taong nais lang na ipakita ang kaniyang tunay na sarili" napaisip si Liwayway at sabay na itinanong ang "Ano ba gusto mong mangyari? susubukan ko na kausapin ang principal tungkol dito" sumagot ako at sinabing "Dahil ayaw o hindi komportable ang mga tao sa palikuran ito nais ko sana na magkaroon ang ating paaralan ng isa pang palikuran na pwede gamitin ng lahat ng kasarian katulad ko upang maiwasan na ang pagkakagulo" sumagot si Liwayway nang "Ngunit hindi ba parang gusto mo na hindi ka kilalanin sa kung ano ang iyong pagkakakilanlan?" sumagot ako nang "Hindi ko sinasabing ganyan ang mangyayari ang nais ko lamang sana ay magkaroon ng kahit kaunting hakbang ngunit kakikitaan ng kahit kaunting proseso, mas matatanggap ko pa ang isa pang palikuran kaysa ang panghuhusga ng ibang tao". Sumang-ayon si Liwayway sa mga sinabi ko at nangako siya na iuulat niya ito sa principal.
Matapos ang ilang linggo ay inanunsyo na ang ikatlong palikuran para sa lahat ng kasarian.Galak na galak ako nang aking marinig ito, sa wakas napakinggan na ang mga katulad ko.Noon, araw-araw akong sinusubok ng aking sarili sapagkat hindi akma ang aking panlabas na kaanyuan sa kung ano ang nais ng aking puso dulot ng pangangamba na baka mahusgahan ng ibang tao. Ngayon, simula noon inilunsad na ng paaralan ang bagong patakaran para sa lahat ay nabuhayan ako ng loob at hinangaan ang aking sarili dahil nagawa ko nang ipaglaban at magsalita para sa aking sarili at sa aking kapwa. Simula noon, hindi na ako nangangamba na pumasok sa palikuran sa aming paaralan sapagkat nagagamit ko na ito nang malaya at walang iniinda na panghuhusga Mula sa ibang tao. Maraming salamat Liwayway, ikaw ang nagsilbing mga paa ng lahat upang humakbang at gawin ang nararapat para sa kapakanan ng lahat.