Kasaysayan ng Panitikang Pilipino: Ang Pinagmulan at Kinabukasan 

“Na may alpabeto at sariling letra,

Na kaya nawala’y dinatnan ng sigwa

Ang lunday sa lawa noong dakong una.

Written by: Aira Mae Lao

Layout by: Francheska Shieniah Mercado


August 26, 2023 | 6:45 P.M.

Mula sa tula na nilikha ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal sa kanyang tulang “Sa Aking mga Kabata”. Sa mahabang kasaysayan nating mga Pilipino, isa itong pagkilala sa pagpapahalaga natin sa kultura at tradisyon, pati na rin sa ating wika na bumubuo sa ating pagka-Pilipino. Tunay itong napapanahon sapagkat ating ipinagdiriwang kada Agosto ang Buwan ng Wika at Kasaysayan. Hindi lang tradisyon at kultura ang ating dapat pahalagahan o bigyang pansin, nararapat din na bigyang puri ang patuloy na pagbabago ng ating wikang pambansa. Sa mga pamamaraan na hindi limitado sa pagpapahayag ng ninanais sabihin, ito’y sadyang hindi mawawala sa isang Pilipino gaano man katagal lumipas ang panahon. 


Alam ng karamihan na ang ating kauna-unahang alpabeto at wika ay matagal nang nawala mula noong pananakop ng mga Espanyol. Ang orihinal na mga pamamaraan ng pagsulat, pagbikas, at teksto ay nawala na sa alon ng panahon at kailan lang naiungkat muli ng mga arkeologo. Sa gitna ng pananakop ng Espanya sa Pilipinas, nagkaroon ng panahon na ipinagbawal ang pagtanggap ng edukasyon sa mga Pilipino, na nagresulta sa paghinto rin ng pag-aaral ng wikang Filipino. Hindi man naituturo ang wikang Filipino sa pamamalakad ng pamahalaan sa ilalim ng Espanya noon, hindi naman buong nahinto ang paglaganap ng wikang ito. Sapagkat, sa iilang mga tahanan at pamayanan, ito’y patuloy na pinaunlad ng ating mga ninuno. Lalong lalo na ang mga tutol sa pamamahala ng Espanya at buong pusong nananalangin sa pagbabalik ng kalayaan ng kanilang Inang Bayan.


Ginamit noon ang wikang Filipino ng mga rebelde ng pamahalaan at ng mga pamilya sa kanilang tahanan sa pamamagitan ng pasalitang pagtuturo kaya hindi tuluyang nawala ang wikang Filipino kundi naimpluwensiyahan at nadagdagan ng iilang hiram na salita sa paglipas ng panahon. Ito ang dahilan kung bakit ilan sa mga salitang ginagamit ngayon ay may kaparehas o may kahawig na pagbaybay sa ibang wika. Karamihan man sa mga panitikan na naitala noon ay nakasulat sa wikang Espanyol dahil sa pamamahala ng Espanya, kaunti-kaunting nagkaroon rin ng mga panitikan sa wikang Filipino. Sa mahabang paglalaban ng mga Pilipinong manunulat at repormista, nabigyan din sa wakas ng karapatan ang mga Pilipino na makatanggap ng primaryang edukasyon. Malaking bahagi sa edukasyong natanggap ay dumaan sa mga prayle at katiwasayan ng Espanya kaya subalit nakatanggap ng edukasyon, ito’y nilimitado at mahigpit na pinamamahalaan ng Espanya upang hindi lumaki ang bahagi ng mga Pilipinong lumalaban sa pamahalaan.


Marami man ang naging balakid ng mga Pilipinong manunulat dahil sa mga dayuhan, ito rin ang pinagkuhanan nila ng malaking inspirasyon at lakas upang magpatuloy subalit sa paghihirap at panganib sa buhay na kanilang naranasan. Ilan sa mga kilalang manunulat na iyon ay ang sina Apolinario Mabini, Marcelo H. Del Pilar, at ang ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal. Iba-iba ang naging pamamaraan ng mga Pilipino sa kanilang pakikipaglaban sa pamamahala ng Espanya, ang iba ay pumili ng espada at ang iba ay nagpahayag ng kanilang mga saloobin sa pamamagitan ng paggamit ng pluma. 


Masasabi na sa mga panahon na ito, ang wikang Filipino ang nagsilbing ilaw ng pag-asa ng mga Pilipino, lalong lalo na para sa mga naging direktang saksi sa malupit na pananakop at pamamahala. Ang wika ang tumayong hakbang at pundasyon ng mga Pilipino sa panahong maaari nilang mabitawan ang kanilang hawak sa kanilang pagiging Pilipino. Habang ang ibang kababayan ay nakikipaglaban, inaabala naman ng mga natitira ang kanilang sarili sa panitikan na siyang nagbibigay lakas naman sa kanila na huwag mawalan ng pag-asa. Isa na sa uri ng panitikan na ito ay ang mga tula na nagsilbing pamamaraan ng pagpapahayag nila ng saloobin. Ilan sa mga tulang inilathala noon ay ang “Sa Aking mga Kabata” ni Jose Rizal; “Hibik ng Pilipinas sa Inang Espanya” ni Hermenegildo Flores; at “Kartilya” ni Emilio Jacinto. Iilan lang ang mga tulang ito sa mga binabasa ng mga Pilipino noon na tunay na tumulong at nagbigay lakas sa kanila upang patuloy nilang ipaglaban ang nararapat nilang kalayaan.


Noon, malaki ang naging papel ng iba’t ibang uri ng panitikan, lalong lalo na ang mga tula sa paglaganap ng kasaysayan at pag-unlad ng bayan. Ilang dekada man ang nakalipas na simula noong tayo’y huling nasakop, hindi nawawala ang kahalagahan ng iba’t ibang uri ng panitikan sa ating araw-araw na pamumuhay. Bukod sa pag-aaral ng mga tula para sa paaralan, nagsisilbi rin silang sanggunian para sa mga makabagong panitikan. Iilan sa mga artista ay kumukuha ng inspirasyon sa mga tula noon, minsan, ang pinaka-konsepto o ideya sa likod ng isang kanta ay nagmumula sa isang tula. 


Ang nagbibigay halaga sa mga tula noon at ngayon ay ang kahusayan sa pagsusulat ng mga may-akda nito. Kinailangan ng mga may-akda mailahad ang kanilang mga emosyon at saloobin sa loob ng mga limitasyon ng isang tula. Ganoon man, napapakita ang angking husay ng iilang manunulat hindi lang sa kanilang paggamit ng mga salita kundi pati rin sa pamamaraan nilang isulat ang isang konsepto o ideya. Pinipili ng iba gumamit ng mga malalalim na salita at idyoma kaysa sa mga karaniwang na salita. Sa ika-21 na siglo, iilan ang mga kilalang manunulat Pilipino na binibigyan puri dahil sa kahusayan nilang makabuo ng mga tula na may iba’t ibang konsepto. 

Hindi limitado lang sa mga tula ang angking kagandahan ng wikang Filipino. Sa pangaraw-araw na komunikasyon, naipapakita ang pagmamahal natin sa ating wika bagama’t malaki ang nagiging epekto ng globalisasyon sa ating bansa, pinipili pa rin natin sa huli ang wikang Filipino. Nakikinig at sinusuporta natin ang musika na ginawa ng mga artistang Pilipino o kinakanta sa wikang Filipino. Sa paaralan, binabasa at inaaral ang mga panitikan na iniulat sa wikang Filipino. Binibigyan rin natin ng puri at karapat-dapat na pagkilala ang mga mahuhusay na gawain ng mga Pilipinong manunulat. 


Si Merlinda Bobis, ay isang kilalang Pilipinong manunulat na nagsulat ng “Fish-Hair Woman” at iba pang mga akda na karamihan naglalaman sa mga konsepto tungkol sa feminismo at mga hindi masyadong kilalang aspekto ng karaniwang buhay ng mga Pilipino. Maliban kay Merlinda Bobis, kilalanin rin dapat si Jose Dalisay Jr., na mas kilalang Butch Dalisay para sa kanyang mga nobelang naglalaman ng mga kwento tungkol sa Martial Law at buhay ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa. Ibang mga manunulat ay nagsusulat tungkol sa kagandahan ng mga pisikal na anyong lupa at tubig ng bansa, bunga nito, naaanyayahang bumisita ang iba’t ibang dayuhan sa Pilipinas tuwing nababasa nila ang mga ito. Isang memoir na kilala sa aspekto o pamamaraan ng pagsulat sa konseptong ito ay ang memoir ni Luis Francia na “Eye of the Fish: A Personal Archipelago”.


Sa dulo ng araw, kahit iilan pa ang mga salitang Ingles na ating nilagyan ng Filipinong pagbaybay ating itinuturing kasali pa rin ito sa wikang Filipino dahil ang gumagawa ng wikang ito ay ang paggamit nito ng mga Pilipino. Ang isang tula man ay isinulat sa Ingles, kasali pa rin ito sa panitikang Filipino dahil isinulat ito ng isang Pilipino. Naiimpluwensiyahan man ng ating wika ang bawat Pilipino dahil sa angking pagkakaiba nito sa ibang wika, ganito rin para sa wikang Filipino na patuloy na umuunlad dahil sa ating mga Pilipino na gumagamit nito. Kaya, piliin nating ipahayag sa iba na tayo’y mga Pilipino, na may sariling wika, panitikan, at kasaysayan na bumubuo sa ating natatangi at mayamang kultura, tradisyon, at pagkatao.