WIKANG FILIPINO: NOON HANGGANG NGAYON

Ang diwa ng ating pambansang pagkakakilanlan ay ang wikang Filipino. Ang wikang Filipino ay naging bahagi, naging isa sa haliging bumubuo sa kasaysayang ating inaaral ngayon. 


Noong ika-16 ng Agosto 2022, Martes, ay inilunsad ang Buwan Ng Wika at Kasaysayan para sa buwan ng Agosto! 


#BuwanNgWikaAtKasaysayan #WikangFilipino

#KasaysayangFilipino


Isinulat ni: Aira Mae I. Lao

Paglantad ni: Aurora Isabel Madali at Monzam Wang



Agosto 19, 2022 | 1:45 HAPON

Noong ika-16 ng Agosto 2022, Martes, ay inilunsad ang Buwan Ng Wika at Kasaysayan para sa buwan ng Agosto! Ang tema ng BWK ngayong taon ay “Filipino at mga Katutubong Wika: Kasangkapan sa Pagtuklas at Paglikha.” Taon-taon ay nagkakaroon ng iba’t ibang uri ng proyekto, aktibidad, at kaganapan upang hikayatin na magdiwang at makisali ang mga mag-aaral sa pagdiriwang ito. Kahit na nasa gitna pa rin tayo ng pandemya, hindi pa rin naiwawaglit sa kalendaryo at isipan ng mga mag-aaral at mga guro ng Malate Catholic School na ipagdiwang ang Buwan Ng Wika at Kasaysayan. Itong pagsasanay na aking isinulat ay nakapokus sa wikang pambansa,  upang maalala muli natin nang paulit-ulit ang nakaraang digmaan!


Bago pa man dumating ang mga Espanyol, mayroon nang wika tayong kinikilala, ito ay tinatawagang “Lumang Tagalog” bagamat ang pinakaunang wika na ginamit ng mga katutubong tao ay muntik nang malimutan. Ang sistema ng pagsulat ay ibang-iba rin sa ginagamit ngayon. Naglaman ito ng mga ikot at kurba. Sa pagbago ng bansa at sa mga dumalaw at tumira dito, ay nagbago rin ang wikang ginagamit ng mga Pilipino.


Dumating ang mga Espanyol sa isla ng Pilipinas, dito na nagsimula ang pagbabago sa ating wika. Ipinakilala sa atin ang wikang Espanyol. Ang paghihigpit ng mga Espanyol sa lubid ng kalayaan at sa pag-aaral ng mga Pilipino ay hindi naging hadlang, kundi naging inspirasyon at lakas ng mga susunod na henerasyong maging mulat sa totoong nangyari sa kanilang lupa. Hinigpitan ang midya, pinatay ang mga nasyonalista, at ang mga tumutol sa pamumuno ng mga Espanyol ay pinatahimik. Maraming naghirap at namatay upang ipaglaban ang Pilipinas. Ganito man ang naging kalagayan ng isang bansang walang laban sa loob ng tatlong daang taon at higit pa, ito’y nagwakas rin, at nanatili ang wikang Filipino.


Pinigilan ng mga Espanyol ang paglabas o pagkalat ng impormasyon at karahasang pinausbong ng mga Espanyol sa bansa. Karamihan man ay takot at nanahimik, sa ilalim nito ay mayroon ding iilang hindi pumayag sa ganitong sistema. Mayroong mga tauhang may nais na pabagsakin at paalisin ang mga dayuhang sa una pa lamang, ay walang karapatang kumuha ng bansang hindi kanila. Dito nakilala ang mga tauhang manunulat na sina: Jose P. Rizal, Marcelo H. Del Pilar, Graciano López Jaena, Mariano Ponce, at iba pa. Sila ang mga kasapi ng kilusang samahang La Solidaridad laban sa opresyon at ang hindi pantay-pantay na trato ng mga Espanyol sa mga Indio. Bilang proteksyon sa pagkakakilanlan ng mga kasapi, ay gumamit sila ng mga sagisag na pangalan o alyas. Ang ibang mga kilala dito ay ang “Plaridel” ni Marcelo Del Pilar, “Jomapa” ni Jose Maria Panganiban, “Kalipulako” ni Mariano Ponce, at “Dimasalang” ni Jose Rizal. Ninais ng kilusang itong magkaroon ng reporma sa Pilipinas, na ito’y kilalanin bilang isa sa mga probinsya ng Espanya, at hindi lamang isang kolonya nito. Sa paglipas ng panahon, dahil sa inggit ng mga ibang kasapi kay Jose Rizal ay umalis siya sa La Solidaridad.


Hindi dito nagtatapos, ito pa lamang ang simula. Sa paggamit ng wikang Filipino upang maipahayag ang kamalian ng mga Espanyol, ay nagising ang apoy sa loob ng puso ng mga Pilipino. Ang nais man ay reporma sa Pilipinas, sumiklab rin dito ang pagnanasang lumaya muli ang Pilipinas bilang isang bansa. Naging isang boses ng pag-asa at lakas ang wikang Filipino, “Pilipinas, bumangon ka.” Takot pa rin ang mga Pilipino, takot ngunit umaasa, umaasang babangon ang bansa at magbabago ang sistema. Lumabas sa panahong ito ang mga manunulat na nagtago sa likod ng kanilang mga ulat. Alam natin ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ni Jose P. Rizal na nagpapakita ng pang-aabuso ng kapangyarihan ng mga prayle at Espanyol. Nagalit ang mga Espanyol dito at pinatay si Jose P. Rizal. Gayunpaman, ang kanyang libro ay naibahagi na sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas. Nagkaroon ng mga grupo, mga kilusang propagandang taliwas sa mga Espanyol. Dahil sa wikang Filipino, muling nagising ang bayan ukol sa kanilang pagmamahal sa Pilipinas at kagustuhang maging malaya muli sa mga kolonisador. Sa paglipas ng ilang taon, paunti-unting humiwalay ang Espanya sa Pilipinas. 


Maliban sa inspirasyon at lakas, kumukuha rin ng mga mahahalagang aral ang mga Pilipino sa wikang Filipino. Maraming nobela, maikling kwento, palabas, at iba pa ang nailabas na nagbibigay aral o ideyang mabuting alalahanin ng taong bayan. Mga akda katulad ng Florante at Laura ni Francisco Balagtas na kilala bilang kanyang obra maestra tungkol sa pag-ibig at ang kawalan ng hangganan nito ay isa sa mga akdang ito. Ang Ibong Adarna namang nais magpahayag ng pagmamahal ng isang anak sa kanyang ama at pamilya, at ang kanyang mga dinanas para sa misyon ay halimbawa rin nito.


Pagkatapos ng lahat, ay itinatag ang ating pambansang wika. Sa paglipas ng higit pa sa tatlong daang taong opresyon, ito’y opisyal na muling binalik bilang ating pambansang wika sa panunungkulan ni Manuel L. Quezon, ang pangalawang pangulo ng Republika ng Pilipinas at ang Ama ng Wikang Kasaysayan. 


Nakabangon ang bansa pagkatapos ng mahabang panahon ng pang-aalipin. Malaki na ang naging ganap ng wikang Filipino sa kasaysayan ng bansa. Dito nabuo ang karamihan sa ating mga ideya, paniniwala, at lakas na nagtulak sa ating pagbabago. Ang mga naitagong sulat ay nagsilbing susi sa kalayaan ng bansa. Natapos na rin ang malungkot na panahon. Marami ang naghirap at nabuhay sa takot araw-araw para sa kanilang kaligtasan. Marami ang namatay sa paglaban para sa bansa. Sa kasalukuyang panahon, saan mang panig ng mundo tayo’y dumako, ay dala-dala pa rin natin ito. Ito pa rin ang wikang ginagamit sa pagsulat ng bagong impormasyon, pagpapahayag ng balita, at pag-uusap sa ating mga pamilya’t kaibigan. Ito ang wikang nagdadala sa atin ng buhay simula noon hanggang ngayon. Marami mang pagsubok ang dumating sa mga Pilipino, gayunpaman, hindi tayo natitinag at nakalilimot sa paggamit ng wikang Filipino bilang isang mamamayang nagmamahal sa Inang Bayan. Alam nating ito ang wikang nagdala sa atin ng ating kalayaan. 


Sa bawat pagdiriwang ng Buwan Ng Wika at Kasaysayan, ay inaalala natin ang kasaysayan ng wika at ng ating lupa. Alam dapat natin ang kwento ng ating lupang kinagisnan, sapagkat kapag hindi tayo, sino? Marami ang dinanas ng wikang pambansa, at nawa’y igalang natin siya nang maayos sa pagtangkilik at pagmamahal sa tatak ng ating pagkakakilanlan. Huwag natin ito kalimutan!