: Angel Bataluna | Ang Matuwid
"Kabataan ang pag-asa ng bayan," wika ni Dr. Jose Rizal. Sa bawat halalan, umaasa tayong ang mga kabataan ang magiging simula ng pagbabago, pero sa mundong puno ng political dynasties, animo’y nawawala ang boses natin. Ang mga pamilyang ito ay kadalasang nagtataguyod ng pansarili nilang interes sa halip na ang kapakanan ng bayan. Ang pamilya Marcos, na matagal nang may hawak na kapangyarihan sa bansa, ay isang halimbawa ng isang political dynasty na nagpapatuloy ang impluwensya sa gobyerno. Si Ferdinand Marcos Jr., na anak ng yumaong Presidenteng Ferdinand Marcos Sr., ay kasalukuyang Pangulo ng Pilipinas. Ito ay isang malinaw na patunay ng pagpapamana ng kapangyarihan sa loob ng pamilya.
Dahil sa mga political dynasty, nagiging limitado ang pagkakataon ng mga tao na makuha ang mga posisyon sa gobyerno. Para bang mga pader na pinagdikit-dikit ng mga pamilya, kaya’t nahihirapan tayong makapasok sa mga lugar na iyon. Madalas, ang mga lider na nagmumula sa kilalang pamilya ay hindi na gaanong nakikinig sa mga hinaing ng mga ordinaryong tao. Minsan, nagiging malayo na ang kanilang pananaw sa mga totoong problemang dinaranas natin. Sa katunayan, ayon sa isang pag-aaral mula sa Ateneo de Manila University, higit sa 70% ng mga lokal na posisyon sa bansa ay hawak ng mga pamilya ng mga politiko, at patuloy na pinapalakas ang kanilang kapangyarihan sa bawat henerasyon.
Isang malaking isyu rin ang kakulangan ng pribilehiyo sa edukasyon. Maraming kabataan ang nahihirapang makapasok sa mga magagandang paaralan dahil sa kakulangan ng suporta. Marami sa atin ang nakakaranas ng hadlang sa pag-aaral. Para bang ang mga iskolarsyip at pondong nakalaan para sa mahihirap ay napupunta sa mga anak ng mga politiko at mayayaman. Nakakabahala na maraming estudyante ang hindi nabibigyan ng pagkakataong umunlad at makapag-aral. Isang ulat mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) ay nagpapakita na mahigit sa 1.3 milyong kabataan sa bansa ang hindi nakakapag-aral dahil sa kahirapan, kaya't patuloy ang agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap.
Katiwalian ang isa pang hadlang na dapat talakayin. Kapag nalulustay ang mga pondong dapat sana ay para sa mga serbisyong panlipunan, tayong mga ordinaryong mamamayan ang nagdurusa. Maraming pondo na nakalaan para sa edukasyon at kalusugan ang nauuwi sa bulsa ng ilang makapangyarihan sa gobyerno. Dahil dito, unti-unti nang nawawalan ng tiwala ang mga tao sa gobyerno at nawawalan na rin ng pag-asa sa pagbabago. Sa isang survey ng Transparency International, lumabas na 80% ng mga Pilipino ang nag-uulat ng karanasan sa katiwalian sa mga ahensya ng gobyerno, na nagpapakita ng malupit na epekto nito sa mga serbisyong panlipunan.
Kabataan ang may malaking papel sa pagbabago, at maaaring magamit ang teknolohiya bilang kasangkapan sa pagpapahayag ng ating mga boses. Sa pag-aaral ng We Are Social, 92 milyong Pilipino ang gumagamit ng social media, karamihan ay kabataan. Sa pamamagitan ng social media, nagiging posible ang pagbibigay-liwanag sa mga isyu tulad ng political dynasty at kawalan ng akses sa edukasyon. Kung magagamit nang tama, maaaring magsilbi itong paraan upang mas maipakita ang tunay na kalagayan ng lipunan at maimpluwensyahan ang iba na kumilos para sa pagbabago.Mahalaga ang pagkilala sa mga suliraning kinakaharap ng kabataan sa kasalukuyan dahil dito nakasalalay ang kinabukasan ng ating bayan.
Kailangang makialam ang kabataan sa politika, pero dapat din nating harapin ang mga hadlang na ito, lalo na ang problema ng political dynasty. Kapag umiikot lamang sa iisang pamilya ang kapangyarihan, nawawala ang boses ng mga tao at ang pagkakataon para sa tunay na pagbabago. Dapat magkaroon ng mga batas na tutuldok sa ganitong sistema upang mas mabigyang halaga ang mga pangangailangan natin. Ang edukasyon ay dapat maging patas at puno ng pag-asa para sa lahat, hindi lamang para sa mga nakikinabang sa kasalukuyang sistema. Ang pagbabago ay nasa ating mga kamay.
#