Ni:Mary Imma Dano | Ang Matuwid
“Walang kinikilingan, walang pinoprotektahan at serbisyong totoo lamang.” iyan ang dapat taglayin ng isang tao pero iba na ngayon dahil hindi na mabilang sa daliri ang mga bayarang nasa itaas na nasa likod ng batas at hindi na rin mabilang ang mga taong kriminal na hindi naghirap at nanagot sa kanilang mga kasalanan. Ganito na ba kabulok ang ating sistema?
Noon sa New Bilibid Prison (NBP) may mga ‘Very Important Preso (VIP)’ na nakalalabas ng kulungan at nagagawa ang anumang gustuhin nila. May sariling sasakyan at may mga bodyguard pa. Kahit anong gustuhin ng VIP, pwede dahil may pera. Ang pera ay nakasisilaw. Ito ay makapangyarihan. Kapag may pera at maimpluwensya, kayang-kaya tapalan ang mga jail guards at jail officials para makalabas. Nangyari na ang ganito noon at maaaring nangyayari pa rin hanggang ngayon sa mga bilangguan sa bansa. Nito lamang si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Founder Apollo Quiboloy ay pinayagan ng Pasig Regional Trial Court na palawigin ang medical furlough hanggang ika-7 ng Nobyembre, taong 2024. Ayon sa korte, kailangan ang masusing medical examination kay Quiboloy dahil sa irregular heartbeat nito. Bukod dito, may problema rin daw sa ito sa ngipin. Sinabi ng abogado ni Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon na may mga medical test pang isasagawa sa kanyang kliyente. Maluwag ang trato kay Quiboloy pero taliwas ito sa nararanasan ng iba pang preso na mahihirap. Ang iilan pa nga ay namamatay nalang sa kulungan na hindi na naisasailalim sa medical examinations at iba pang diagnosis. Iba talaga ang trato kapag VIP na makapangyarihan at may impluwensiya.
Ika-8 ng Setyembre nang maaresto si Quiboloy dahil siya ay nahaharap sa patong-patong na kaso na sexual abuse at human trafficking, at may kinakaharap na kasong sexual trafficking sa United States. Nakakapagtaka na hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nananagot at napaparusahan. Hindi pa rin nakakamit ang hustisya para sa mga biktima ni Quiboloy, nananatili silang luhaan at uhaw sa hustisya. Ibinahagi ng Philippine National Police (PNP) ang mga umano'y pang-aabuso na sinapit ng mga biktimang menor de edad sa kamay ni Quiboloy. Ayon sa mga biktima, natakot silang magsumbong dahil sila raw ay tutugisin ng "Angels of Death.” Takot at pasakit ang naidulot ni Quiboloy sa kaniyang mga biktima. Ang mga ebidensya at kasong kaniyang kinakaharap ay sapat na para siya ay managot pero si Quiboloy ay nanatiling pasarap sa buhay at magaan pa ang trato sa kanya sa rehas kahit na napakabigat ng kanyang mga kaso.
Kahit na mabigat ang mga kaso ni Quiboloy ay marami pa rin ang sumusuporta sa kaniya, kabilang dito ang milyon-milyong miyembro ng KOJC. Dagsa ang kaniyang mga fans sa Tiktok, Instagram at Facebook. Marami ang nagsasabi na wala naman siyang kasalanan kahit na napakaraming ebidensya at testigo na siya ay nagkasala. Mukhang tuluyan nang nalason ang kanilang mga utak kaya kahit nasa harapan na nila ang katotohanan ay hindi pa rin nila makita. Hindi dapat natin malimutan at balewalain ang mga menor de edad niyang biktima na nawalan ng kinabukasan dahil sa kanyang pang-aabuso. Marapat lamang na hindi natin suportahan ang isang kriminal. Hindi makatarungan at makatao ang ginawa niya.