Clarisse Alvaro | Ang Matuwid
Sa bawat unos na dumarating, ginigising nito ang ating diwa ng pagkakaisa at may kaakibat na konkretong hakbang sa pagharap at pagbangon.
Naapektuhan ang hanapbuhay ng mga Pilipino dahil sa Bagyong Enteng. Tulad ko, tinangay nito ang aming mga paninda. Bigla na lang nawala ito na parang bula dahil sa lakas ng hanging dala ng bagyo. Maraming mga tindero at tindera ang nakakaranas ng matinding paghihirap dahil sa pagkasira ng kanilang mga paninda—mga gulay, prutas, at mga sangkap sa pagluluto na pangunahing pinagkakakitaan para mabuhay. Pinagtibay nila ang mga ito sa sariling pawis at pagsisikap ngunit sa isang iglap, ang lahat ay nawala, at maraming pamilya ang naiwan sa kahirapan, walang ibangmagawa kundi humiling na muling makabangon.
Noong Setyembre 2024, muling dumaan ang isang makapangyarihang bagyo sa Pilipinas—ang Bagyong Enteng. Sa datos mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), humigit-kumulang 21 katao ang nasawi at daan-daang libo ang naapektuhan sa iba't ibang rehiyon. Ang bagyo ay nag-iwan ng bakas ng pagkawasak sa buhay ng mga tao at sa mga panahong ito, nabigyang-diin ang ating mga kakulangan sa paghahanda at pagpapatupad ng mga solusyon sa oras ng kalamidad.
Yaong mga nasalanta ng bagyo ay hindi lamang nawalan ng paninda kundi pati na rin ng kita, na nagsisilbing pangunahing pinagkakabuhayan ng kanilang pamilya. Sobrang hirap bumangon mula sa pagkakasadlak kung sa simula pa lang ay talo ka na. Tila nagkulang ang gobyerno sa pagbibigay ng agarang tulong at suporta sa mga biktima ng kalamidad. Sa kabila ng mga pangako ng mga namumuno, tila wala pa rin tayong nakikitang konkretong aksyon. Ang mga pondong inilaan para sa disaster relief ay kadalasang nauuwi sa mga "bureaucratic delays" at iba pang mapanlinlang na banta ng korapsyon. Kailangan ng mga taga-bayan ang tunay na pagkilos, hindi lamang mga salita at pangako.
Nararapat lamang na maitatag ang mga kinakailangang imprastruktura at mga programang nakatuon sa disaster preparedness. Sa bawat bagyong dumarating, tayo ay muling nagiging biktima ng isang walang katapusang siklo ng pagkasira at pagbangon. Ang mga nakaupo sa posisyon ay tila patuloy na nabibigo sa kanilang obligasyon na protektahan ang kanilang mamamayan.
Mahalagang tayo’y maging bahagi ng solusyon sa mga sakunang ito. Magsimula tayo sa simpleng hakbang tulad ng pagtulong sa ating mga kapitbahay, pagtuturo ng tamang impormasyon sa mga tao, at pakikilahok sa mga pagsasanay sa komunidad. Bawat tao ay may papel na ginagampanan sa pagtugon sa mga hamon ng kalikasan. Ang ating pagkakaisa at sama-samang pagkilos ang magiging sandata laban sa anumang pagsubok na dumating, subalit hindi ito magiging sapat kung ang gobyerno ay walang konkretong plano sa pagtulong at paggawa ng mga hakbang laban sa mga sakuna.
Makikita ang halaga ng mga pagsasanay ukol sa disaster preparedness at risk management para sa mga lokal na manggagawa sapagkat makatutulong ito na mabawasan ang malubhang epekto ng sakuna. Mababawasan nito ang bilang ng mga maaaring masawi at magiging handa ang mga tao na harapin ang panganib na dulot ng sakuna. Dapat mangako ang mga lokal na namumuno na simulan ang mga talakayan at programang magtuturo sa mga tao kung paano maging handa sa mga darating na sakuna. Kung ang bawat mamamayan ay may kaalaman at kasanayan sa pagtugon sa mga krisis, mas magiging mabisa ang kanilang paglaban sa mga sakunang dumarating.
Sa huli, ang Bagyong Enteng ay alaala ng ating kahinaan bilang isang bansa sa pakikitungo sa mga kalamidad. Sa pagtutulungan ng gobyerno at ng mga mamamayan, maaaring mabawasan ang mga panganib at mas mapabuti ang mga hakbang kung paano natin haharapin ang mga susunod na sakuna. Ang pagtugon sa mga hamon ng panahon ay hindi lamang tungkulin ng mga namumuno kundi isang responsibilidad ng lahat. Ang ating pagkilos at paghahanda sa ngayon ang magiging sandigan ng ating kinabukasan, ngunit narito pa rin ang pag-asa na tayo ay matulungan o mabigyan ng tunay na aksyon mula sa mga dapat manguna.